NANANATILING mataas ang tiwala ng mga Pilipino sa United States kumpara sa China at Russia. Batay sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, tatlo sa limang Pinoy ang hindi nagtitiwala sa China at Russia samantalang 79% ang may tiwala hanggang ngayon sa US. Kahit gusto ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na makipagkaibigan sa China at Russia, higit na gusto ng taumbayan ang US na matagal nang kaibigan at kaalyado ng Pilipinas.
Ganito ang trust ratings ng iba’t ibang bansa at international organizations: Ang United Nations ay nagtamo ng 82% pagtitiwala ng mga Pilipino; ang Asean ay 81%; US ay 79%; Japan ay 75%; Austaralia ay 69%; Great Britain ay 53%; Russia ay 42%; at China ay 37%. Malaki pa rin ang distrust o kawalan ng tiwala ng mga mamamayan sa China sa bawat rehiyon at class (53% to 70% and 63% 69% respectively). Nagtamo rin ang Russia ng majority distrust rating sa mga uri ng tao o kawalang-tiwala (54% to 61%) at sa mga rehiyon tulad ng Luzon (60%) at Visayas (62%; at sa Metro Manila at Mindanao (51%).
Sa pananatili ng distrust o kawalang-tiwala ng mga Pinoy sa bansa ni Pres. Xi Jinping, lumilitaw na balewala at hindi bilib ang taumbayan sa pangakong $24 billion economic package na ipinagmamalaking nakuha ni Mano Digong sa China nang siya’y bumisita rito. Nagtataka ang mga Pinoy kung bakit parang pinipilit ni PRRD na makipagkaibigan sa China ang ‘Pinas na patuloy sa pag-okupa sa ating mga reef at shoal at pagtatayo ng mga balangkas (structures) doon.
Bakit galit na galit si PDu30 sa US, UN at European Nations (EU) gayong nabanggit lang noon ni Obama na nais niyang malaman kung may extrajudicial killings sa drug war ng Pangulo? Gayudin ang UN at EU na gustong alamin ang mga pagpatay sa pinaghihinalaang drug pushers at users na ayon sa mga ulat ay umabot na yata sa 8,000 biktima.
Walang masama para sa mga Pinoy na makipagkaibigan sa China at Russia, pero ang hindi nila maintindihan ay ang pakikipagkagalit ng Pangulo sa US na matagal nang kaibigan at kaalyado. Naniniwala sila na hindi dapat isangkot ni Pres. Rody ang bansa sa kanyang personal na galit sa US, UN at EU. Gusto ng mga Pinoy sa US at ayaw sa China at Russia. Bilang lider ng bansa, dapat ay makinig si PDu30 sa sentimiyento ng mga Pilipino at huwag panaigin ang personal niyang emosyon.
Nagbayad na ng P8 milyon si Vice Pres. Leni Robredo sa Supreme Court bilang deposito sa kanyang kontra-protesta kay ex-Sen. Bongbong Marcos. Hirap daw siyang makalikom ng P8 milyon kaya nanghiram siya sa mga kamag-anak ng yumaong ex-DILG Sec. Jesse Robredo, hindi tulad ni Marcos na sagana sa pera at umaapaw ang pondo. Hinihingan si VP Leni ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ng P15.5 milyon, samantalang si Bongbong ay hinihingan ng P66 milyon kaugnay ng kanilang electoral protests.
Sabi ni beautiful Leni: “Hindi madali ang paglikom ng P8 milyon.” Siya raw ay mahirap lang ‘di tulad ni Sen. Bongbong na napakayaman.
Nais ng oposisyon na magsulit (accounting) ang Malacañang tungkol sa P15.5 bilyong budget para sa Association of Southeast Asian Nations (Asean) Summit na idinaos sa bansa noong nakaraang linggo. Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman at iba pang kasapi ng oposisyon, dapat ihayag ng Malacañang kung paano ginastos ang gayong napakalaking budget para sa Asean Summit.
Hindi pa malaman kung tatanggapin ni Pres. Rody ang imbitasyon ng kanyang idolong US Pres. Donald Trump na bumisita sa White House at “makipagkape” sa makapangyarihang lider ng mundo. Tutol naman ang mga Amerikano sa pag-imbita ni Mang Donald kay Mang Digong na isa umanong “mass murderer” at violator ng human rights. Abangan na natin kung ang imbitasyon ay tatanggapin ng ating machong Presidente mula sa macho ring pangulo ng US. Si PRRD ay nakatakdang bumisita muna sa China at Russia. Maghintay ka, Donald Trump! (Bert de Guzman)