Apat na katao ang napatay, kabilang ang tatlong mag-iina, at dalawang menor de edad ang nasugatan makaraang maipit sa anti-drugs operation sa bayan ng Rajah Buayan sa Maguindanao, iniulat ng pulisya kahapon.

Batay sa report ng Maguindanao Police Provincial Office (MPPO), mag-iina ang tatlo sa mga napatay at sila ay sina Minah Baluntintic; Hassan Baluntintic, 5; at Maharba Baluntintic, tatlong taong gulang.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng napatay na suspek.

Ginagamot naman sa ospital ang isang binatilyo at isang 12-buwang sanggol.

Probinsya

Lasing, ginulpi ng lalaking kinumpronta; patay!

Sinabi ni Senior Supt. Agustin Tello, hepe ng MPPO, na sinalakay ng kanyang mga tauhan na kasapi ng Technical Support Platoon ng Maguindanao Police Public Safety Company, Rajah Buayan Municipal Police, at 40th Infantry Battalion ng Philippine Army, ang bahay ni Willie Akil Utto, miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), sa Sitio Dansalan, Barangay Panadtaban, Rajah Buayan.

Ang raid ay sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Regional Trial Court 12 Branch 16 Judge Alandrex Betoya laban kay Utto.

Ayon kay Tello, papalapit pa lamang ang mga pulis at sundalo sa bahay ni Utto nang hagisan ang mga ito ng granada at pagbabarilin ng mga suspek.

Gumanti ng putok ang mga pulis at sundalo laban sa grupo ni Utto at tumagal ng 20 minuto ang bakbakan.

Napilitang umatras ang grupo ni Utto at nang mahawi ang usok ay tumambad ang bangkay ng mag-iina at ng isa sa mga kagrupo ni Utto, habang nasugatan naman ang dalawang bata matapos tamaan ng ligaw na bala.

Nakasamsam ang mga awtoridad ng mga armas, shabu, cell phone at apat na motorsiklo sa bahay ni Utto. (Fer Taboy)