Umalma ang Philippine National Police (PNP) sa pahayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na palpak ang kampanya kontra ilegal na droga sa Western Visayas.
Kinontra ni Police Chief Supt. Jose Gentiles, director ng Police Regional Office 6 (PRO-6), ang pamimintas ni PDEA-6 director Atty. Gil Pabilona, na walang bisa ang anti-illegal drugs campaign ng awtoridad sa rehiyon dahil laganap pa rin ang droga.
Iginiit ni PRO-6 Deputy Director for Operations Senior Supt. Christopher Tambungan, na walang katotohanan ang sinabi ng PDEA chief na humihina na ang kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga.
Binanggit niya ang pagkakaaresto kay Jenny Vie Goriona at dalawa pang babae na itinuturing na big time pusher at nakuhaan ng P1 milyong droga.
Aniya, walang tigil ang operasyon ng pulisya laban sa illegal drugs sa pamamagitan ng mga anti-drug enforcement unit sa mga himpilan nito. (Jun Fabon)