SA nakaraang pitak, tinalakay ko ang mga posibilidad sa hinaharap na panahon batay sa malaking pagbabago na idinulot sa ating buhay ng teknolohiya. Hindi ako nakatitiyak na mangyayari ang lahat ng ito sa hinaharap.
Ang paghula sa hinaharap ay maaaring tumama o hindi, ngunit ano man ang mangyari ay nakatitiyak ako sa dalawang katotohanan.
Una, magiging mabilis ang pag-unlad, at ngayon pa lamang ay nakikita na natin ang kanilang simula. Kamangha-mangha ang mabilis na pag-unlad ng teknolohiya. Kilalang-kilala ang mga pager ngunit mabilis na napalitan ito ng mobile phone. Ang pagkalaos ay panganib sa mga napag-iiwanan ng pagbabago.
Pangalawa at mas mahalaga, kailangan magkaroon ng kapangyarihan ang mga tao sa pagbabago sa teknolohiya sa halip na maging simpleng taga-gamit o mamimili ng teknolohiya. Mabilis na mawawalan ng halaga ang tao kapag nagmamasid lamang habang pinapalitan ng automation ang kanilang mga aktibidad.
Una, ang tao ang nagpapatakbo ng mga pagbabago sa teknolohiya, hindi ang kabalintunaan. Ang mga matatalinong innovator ang pangunahing makina ng transpormasyong ito. Hindi tayo maaaring maging alipin ng teknolohiya na tayo rin ang lumikha.
Isang halimbawa ang prediksiyon na dodominahan ng mga makina ang negosyo. Maaari akong magkamali ngunit hindi ko ito nakikitang mangyayari. Maaaring may ilang uri ng trabaho na papalitan ng makina ang tao, ngunit kailangang lumikha ng ibang trabaho para sa tao upang suportahan ang mga bagong negosyo.
Sa amin sa Vista Land, laging tinitingnan kung paano gagamitin ang teknolohiya upang mapabuti ang aming negosyo.
Tinitiyak namin na maging mas mahusay ang aming mga empleyado sa pamamagitan ng tamang teknolohiya.
Ngunit hindi ko naiisip na maaaring palitan ang imahinasyon at katalinuhan ng aking mga opisyal at empleyado sa paggawa ng matalinong desisyon. Oo nga at nagagawa ng makina ang ilang gawain ng tao, at maging ang pag-iisip, gaya ng artificial intelligence. Ngunit hindi agad (maaari akong mali) mangyayari na mapalitan ng makina ang imahinasyon ng tao.
Isa pang halimbawa ang edukasyon. Binago ng teknolohiya ang sistema ng edukasyon. Ngayon, maaaring magkaroon ng education degree nang hindi tumutuntong sa loob ng silid-aralan. Ito ba ang magiging kalakaran sa hinaharap?
Mawawalan na ba ng silbi ang mga guro?
Ang karanasang pantao na bunga ng pagpasok sa paaralan at pakikisalamuha sa iba’t ibang personalidad ay mahalagang bahagi ng ating paglaki bilang tao. Hindi ko naiisip na mapapalitan ito ng mga makina.
Ang naiisip ko ay ang huwarang... sitwasyon kung saan ang mga tao ay gumagawa katulong ang automation upang maging mas mabuti ang trabaho. Gaya ng pagkakaroon ng matatalinong manggagamot na gumagamit ng pinakamabuting teknolohiya upang lunasan ang karamdaman. O ng mga magaling na guro na gumagamit ng magaling na teknolohiya sa kanilang klase. Ang isang hologram ng pumuputok na bulkan mahalaga kung kaakibat ang malalim na talakayan kung paano nag-uugnayan ang kalikasan at mga tao.
Magbubunga ng pagbabago ang pag-unlad ng teknolohiya sa lahat ng aspeto ng pamumuhay ng tao, at kung minsan ay nakatatakot ang pagbabago. Dahil dito, kailangang ngayon pa lamang ay bigyan ng pagsasanay ang mga tao upang makaagapay sa mga pagbabago o mas mabuti ay maging catalyst ng pagbabago.
Masaya ako na nagkaroon ng oportunidad na sulatin ang pitak na ito para sa pahayagang ito. Maaaring sa hinaharap, ang mga tao ay magbabasa ng pahayagan sa pamamagitan ng chip na nakatanim sa kanilang utak.
(Para sa komento, sumulat sa:mbv.secretariat@gmail o bumisita sawww.mannyvillar.com.ph.) (Manny Villar)