Sinigurado ng Department of Education (DepEd) - Schools Divisions Office (SDO) Las Piñas ang kaligtasan ng mga paaralan sa kabila ng kumalat na “viral threats” na naglalaman umano ng pagbabanta sa kaligtasan ng mga mag-aaral at guro sa lungsod.
Sa pahayag ng DepEd nitong Lunes, Hulyo 27, binanggit nilang agad silang nakipag-ugnayan sa mga punong-guro sa barangay, Philippine National Police (PNP) Cyber Crime Group, at Bahay Pag-asa upang tugunan at aksyonan ang insidenteng ito, alinsunod sa mga regulasyon ng kanilang ahensya, partikula ang DepEd Order 6, s.2026 o ang “Guidelines on Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment).
“Aming nabatid ang kumakalat na video na naglalaman ng pagbabanta sa kaligtasan ng mga mag-aaral at guro kung kaya’t ang aming Tanggapan ay agad na nakipag-ugnayan sa pakikipagtulungan ng mga Punong-guro sa barangay, kapulisan, PNP Cyber Crime Group, at Bahay Pag-asa upang matugunan at maaksyonan ang insidenteng ito alinsunod sa umiiral na mga regulasyon ng Kagawaran ng Edukasyon, particular ang DepEd Order 6, s. 2026 (Guidelines on Ensuring A Safe and Motivating Learning Environment),” saad ng Kagawaran.
Ipinaalala rin ng DepEd sa publiko na alinsunod sa kanilang Media Management Guidelines at sa Data Privacy Act of 2012 (RA 10173), iwasan ang pamamahagi, pagpapasa, o pagkokopya ng anumang video kaugnay ang “viral threats” sa digital platforms, upang mapangalagaan ang karapatan, dignidad, at mental health ng mga sangkot na menor de edad.
Bukod din sa pagpapatupad ng mga protocol sa seguridad, binanggit din nila ang pagrerepaso sa access control sa mga paaralan upang mapanatili ang kaligtasan at kapayapaan rito.