Patay ang isang jeepney driver, habang nadaplisan ng ligaw na bala ang isang bata, nang pagbabarilin ng isang pulis na nakasagian nito sa Antipolo City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Police Supt. Ruben Andiso, hepe ng Antipolo City police, ang napatay na biktima na si Petronilo Fernando, nasa hustong gulang, driver ng pampasaherong jeep (PXH 791) na may biyaheng Marikina-Bagong Nayon (vice versa), at hindi na pinangalanan pa ang nasugatang bata.

Si PO2 Ronald Pentacasi, nakatalaga sa Station 7 sa Manggahan, Pasig, ang itinuturong suspek na tumakas matapos ang krimen, at kalaunan ay nagpahayag ng pagnanais na sumuko sa awtoridad.

Base sa ulat na isinumite ni Antipolo Police-Community Precinct 1 (PCP1) commander Police Insp. John Paul Tabujara, dakong 5:00 ng hapon kamakalawa nangyari ang insidente sa kahabaan ng Marcos Highway sa Antipolo City.

Eleksyon

Sen. Imee, okay lang kahit di binanggit ni PBBM sa campaign rally; tutok kay FPRRD

Nagkasalubong sina Fernando, lulan sa kanyang jeep, at PO2 Pentacasi, lulan sa kanyang motorsiklo, at nagkasagian na naging sanhi ng pagsemplang ng pulis.

Agad umanong bumaba sa kanyang jeep si Fernando at pinakiusapan ang pulis na magkita sa kanilang garahe, sa Catalina Street, upang mapag-usapan at maayos ang problema.

Nauna umanong nakarating sa Catalina si PO2 Pentacasi at pagdating na pagdating ng biktima ay tatlong beses niya itong binaril.

Isinugod naman sa Antipolo District Hospital ang batang nadamay, na abala sa paglalaro noong oras na iyon, sa insidente. (MARY ANN SANTIAGO)