Inihayag sa publiko ni Gabriela Women’s Party-list Rep. Sarah Elago na maraming kulang ang ikinasang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., noong Lunes, Hulyo 27, 2026.
Sa naging pahayag ni Elago sa panayam sa kaniya ng media noon ding Lunes, sinabi niyang hindi raw nabanggit ng Pangulo ang tungkol sa pagpapababa ng presyo ng mga bilihin, pagkain, langis, at kuryente.
“Maraming kulang lalong-lalo na ‘yong pagpapababa ng presyo ng mga bilihin, pagkain, langis, at kuryente,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Kasi meron namang mga barya-baryang minimum na mga pangako. Nandyan ‘yong sa ayuda. Pero ‘yong pagtatanggal ng na 12 percent na Value Added Tax, ‘yon talaga ‘yong kahilingan ng ating mga kababayan. Kaya dapat presyo ibaba.”
Ani Elago, hindi rin daw nabanggit ang tungkol sa kahilingan na maitaas sa ₱1,200 na daily living wage ng mga manggagawa.
Pagpapatuloy pa niya, tumututol din sila sa pagsusulong nuclear energy sa bansa at gusto rin daw nilang maimbestigahan ang mga commitments ng Pilipinas sa pagtatayo ng Pax Silica hub sa Central, Luzon.
“Tayo po dito sa kasaysayan, very critical tayo sa pagtutol sa nuclear energy. Ganoon din sa nabanggit na Pax Silica na gusto nating maimbestigahan, ‘yong commitments diyan ng Pilipinas,” aniya.
Diin ni Elago, gagraduhan daw niya ng singko o 5/10 ang ikalimang SONA ni PBBM at dapat daw na tumutugon sa pangangailangan ng mga Pilipino ang mga layunin ng Pangulo at hindi para lang sa mga naglalakihang kompanya.
“Sa pangkabuuan, gusto natin ng kaunlaran. Pero sana nagsisilbi sa pangangailangan ng mamamayang Pilipino. Hindi ‘yong katulad ngayon na nangangamba tayo na ‘yong land for agriculture sa Central Luzon, imbis na magamit para sa mga magsasaka ay magamit dito sa Pax Silica,” saad niya.
“Sakto kasi fifth SONA, singko ang bagsak,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Matutupad o maliligwak? Buod ng ikalimang SONA ni PBBM
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara ‘di nanood ng SONA ni PBBM: ‘Waste of time’