INDIANAPOLIS (AP) – Nagbitiw bilang president ng basketball operation ng Indiana Pacers si cage icon Larry Bird nitong Biyernes (Sabado sa Manila).

Pansamantalang pumalit kay Bird si general manager Kevin Pritchard, ayon sa source na may direktang kinalaman sa sitwasyon sa Pacers sa The Associated Press.

Mas maaga ang pamamaalam ni Bird sa krusyal na pagpupulong para ilatag ang programa ng koponan at kung ano ang desisyon sa career ni star forward Paul George na isa nang ‘free agent’.

Malakas ang ugong-ugong na nais ni George na maglaro sa Los Angeles Lakers sa susunod na season.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Larry is very special, tremendous integrity,” pahayag ni Pacers owner Herb Simon sa Indianapolis Star sa panayam sa nakalipas na buwan. “His word means something.”

Hindi lubusang kilala ni Boston Celtics coach Brad Stevens ang katauhan ni Bird, ngunit inamin niya na matagal na siyang tagahanga ng hall-of-famer.

“I thought he did a tremendous job as a coach and a front office person in Indiana when I was (at Butler),”sambit ni Stevens.

“The runs they went on for all the years he was there was really impressive. So whatever he chooses to do I look forward to and certainly all wish him the best.”

Naging coach si Bird ng Pacers mula 1997-2000 kung saan nagabayan niya ito sa NBA Finals noong 2000 bago nagresign.

Nagbalik siya sa Indiana bilang team president noong 2003 kung saan nagawa niyang mabuo ang koponan bilang isa sa kinatatakutan at nagawang makausad sa Eastern Conference finals noong 2003-04.

Ngunit, nawasak ang koponan matapos ang kontrobersyal na “Malice at the Palace,” kung saan nasangkot sina Ron Artest, Stephen Jackson at Jermaine O’Neal sa panggugulpi sa tagahanga ng Detroit Pistons sa bench.