Mariing nanindigan ang Palasyo sa liderato ni Sen. Win Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at Acting Senate President, sa kagsagsagan ng mga kaguluhan sa Senado, ngayong Huwebes, Hunyo 4.
Habang kinikilala ni Presidential Communications Officer (PCO) Usec. Claire Castro na mahalagang maayos ng mga senador ang mga problemang kinapapalooban ng Senado, muli niyang binanggit na kinikilala ng Malacañang ang liderato ni Gatchalian dito.
“Unang una, ‘yung internal problems ng Senado, dapat sila muna ang mag-sort out nito. Sila ang mag-settle ng anumang issues na kinapapalooban ng Senado,” saad ni Castro.
“But as far as the Palace is concerned, kinilala na po natin ang liderato ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian. So kung ano man po ang ibibigay na mensahe sa ehekutibo, ‘yun po ang ating kikilalanin,” dagdag pa ng kalihim.
Matatandaang nauna nang kilalanin ng Malacañang ang bagong liderato sa Senado at mayorya dito noong Miyerkules, Hunyo 3, kung saan, binanggit na naaayon ang naging pagbabago sa Konstitusyon ng bansa.
MAKI-BALITA: Malacañang, kinilala ang 'bagong mayorya' at liderato ni acting SP Gatchalian
Sa kabilang banda, mariin namang pinabulaanan ni Sen. Alan Peter Cayetano ang bagong liderato at tinawag na kudeta at pambabasura sa Konstitusyon.
MAKI-BALITA: 'I'm still the legitimate, legal, moral Senate President!'—SP Cayetano