SAN JOSE, Antique -- Inaasahang mapapabilang sa delegasyon ng Pilipinas sa athletics event si Veruel Verdadero ng Southern Tagalog-Calabarzon para sa darating na 9th Asean School Games na gagawin sa Singapore sa Agosto.

Ang 15-anyos na si Verdadero, tubong Dasmarinas, Cavite at tinanghal na “Meet’s Fastest Boy” makaraang pagharian ang century dash at 200-meters para sa kabuuang limang gintong medalya na napagwagihan sa Palaeon Pambansa.

Bukod sa 100 at 200, naghari din siya sa 400-meter at nagtrangko sa kanilang 4 x 400 meter relay team at sa kanilang 4 x 100 meter relay squad na nagtala ng pinakahuling record sa athletics noong Huwebes ng hapon sa tiyempong 42.48 segundo na sumira sa dating record na 43.06 na itinala ng Western Visayas noong isang taon.

Agaw-eksena ang nasabing performance ni Verdadero sa naging tagumpay ng National Capital Region na napanatili ang overall title kapwa sa elementary at secondary level sa pagtatapos kahapon ng 60th Palarong Pambansa sa Binirayan Sports Complex na dinaluhan ni Senador Franklin Drilon bilang panauhing pandangal sa lungsod ng San Jose.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Sobrang saya po kasi nakalimang gold medal ako dito sa Palaro,” ani Verdadero na umaming nakatanggap nang maraming alok sa iba’t-ibang Manila-based schools.

“Masyado pa pong maaga para mag-decide ako tungkol dyan,” ayon pa sa incoming Grade 9 student ng Immaculate Conception Academy.

Naging malakas din ang pagtatapos ng NCR sa mga ballgames kung saan nagkampeon sila sa secondary boys at girls basketball, silver sa secondary boys baseball at secondary girls softball gayundin sa secondary boys football at third sa elementary boys basketball.