Mariing iginiit ni Sen. Pia Cayetano na walang bisa ang mga binitawang pahayag at utos ni Sen. Win Gatchalian sa media dahil hindi ito ang tumatayong opisyal na “Senate President Pro Tempore.”
Sa Facebook live ni Cayetano nitong Huwebes, Hunyo 4, binasa niya ang pahayag na inilabas ni Gatchalian na nag-uutos ng “shortened work hours” ng mga personnel sa senado.
Dito ay mariing binanggit ni Cayetano na walang karapatan si Gatchalian na ipag-utos ito dahil hindi raw opisyal ang kaniyang pagiging Senate President Pro Tempore.
“Uulitin ko, hindi ka Senate President Pro Tempore. Si Loren Legarda ang Senate President Pro Tempore. She was elected by 13 members. You were never elected by 13, alam mo ‘yan. So Senate President Pro Tempore si Loren. Hindi ikaw, Sherwin,” saad ni Cayetano.
Saad pa ng Senadora, gulong-gulo raw siya sa pahayag ni Gatchalian dahil nauna na raw na binanggit sa kaniya kahapon, Miyerkules, Hunyo 3, na tuloy ang hearing na pangungunahan niya.
Taliwas sa pahayag ni Gatchalian na nagsasabing walang “official business” sa Senado nitong Hunyo 4.
“Ito ngayon ang in-issue ni Sherwin, where he is imagining that he is the Senate President Pro Tempore. Sabi niya, ‘shortened work hours for June 4, today. Since no official business has been scheduled today…’ Doon ako nalilito. Sinabi kahapon, tuloy ‘yung hearing ko. Ano ba talaga? Ano ba talaga kayo?” saad ni Pia.
“‘Yung Blue Ribbon [Committee Hearing] na wala kang karapatan i-cancel, kinansel mo pero hindi namin binibigyan ng validity ang statement mo. ‘Yung Ways and Means ko, sabi n’yo tuloy pero ngayon naman sinabi mo, ‘since there is no official business that has been scheduled today.’ Bakit may alam ka ba kung may official business ‘yung senators dito? Everyday we conduct our own meetings, our own dialogues, our own consultations. Sino ka para sabihin na walang official business dito?” dagdag pa ni Cayetano.
Sa kabila ng anunsyo ni Gatchalian, binanggit ng Senadora na natuloy ang Senate Blue Ribbon Hearing at nandoon ang mga senate staff upang tumulong sa kinakailangang tulong dito.
“Ano ‘yung purpose nito? Alam n’yo na diba? Di ko na siguro kailangan sabihin, right? Why would you put the senate staff in this position? Nandiyan sila, pumasok, nag-aassist. Bakit mo sila gaganunin?” Diretsahang patutsada ni Cayetano kay Gatchalian.
“Tapos sabi mo, ‘trabaho lang tayo.’ Talaga? Anyway, the hearing is ongoing, I’m good to go,” dagdag pa ni Cayetano sa pagtatapos ng kaniyang live.
Matatandaang naglabas ng pahayag si Gatchalian nitong Hunyo 4 na nag-uutos sa pagpapaiksi ng oras ng pasok ng mga personnel ng Senado simula 10:00 ng umaga.
MAKI-BALITA: Sen. Win Gatchalian, awtorisado pagpapaikli ng oras sa Senado simula 10 AM