KANAGAWA, Japan – Pagaagawan ng magkababayang sina Genesis Servania (28-0,11KO’s) at Ralph Lulu (12-1-2,5KO’s) ang bakanteng WBO Asia Pacific featherweight title ngayon sa Sangyo Hall sa Ishikawa, Kanagawa, Japan.
Bahagi si Servania ng popular na “Pinoy Pride” series ng ALA Promotions bago nagdesisyon na manatili sa Japan para sa mas malalaking laban sa international. Dati niyang hawak ang WBO Asia Pacific at Intercontinental super bantamweight title.
Ang 25-anyos na si Servania ay dalawang ulit nang sumabak sa tinaguriang ‘Land of the Rising Sun’, kung saan naitala niya ang malinis na kampanya kontra kina Hendrik Barongsay ng Indonesia at Alexander Espinoza ng Venezuela.
Sumasabak din ang 26-anyos na si Lulu sa preliminary bouts ng ALA fight card. Ang tangi niyang kabiguan ay unanimous decision kontra Danny Tampipi noong Nobyembre sa Benguet.
Ito ang ikalawang all-Pinoy WBO regional clash ngayong taon matapos magalaban para sa WBO Oriental bantamweight title sina Mark Anthony Geraldo kontra Kenny Demecillo sa Hong Kong.