Minasaker ang tatlong magkakamag-anak sa loob mismo ng kanilang tahanan ng apat na lalaking pawang nakasuot ng bonnet sa Barangay Malamig, Mandaluyong City kamakalawa.
Hindi na umabot nang buhay sa Mandaluyong City Medical Center ang mga biktimang sina Chito Jomaquio, 45; ang kanyang hipag na si Rosalinda Jomaquio, 25; at pamangkin na si John Carlo Jomaquio, 25, pawang residente ng No. 438 Barangka Drive, Bgy. Malamig, nang pagbabarilin sa ulo ng mga hindi pa nakikilalang suspek.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Laurence Punzalan, ng Mandaluyong City Police, na ipinarating sa Eastern Police District (EPD), bandang 4:00 ng hapon nangyari ang pamamaril sa loob ng tahanan ng mga biktima.
Nasa sala sa ikalawang palapag ng bahay sina Chito at John Carlo nang biglang pumasok ang mga suspek at sila’y pinagbabaril.
Hindi rin pinalampas ng mga suspek si Rosalinda na noong oras na iyon ay naliligo sa ikatlong palapag ng bahay.
(Mary Ann Santiago)