Ni Marivic Awitan

ANTIQUE - Matapos mapagwagian ang unang gold medal sa centerpiece event athletics, isa pang gold medal ang inangkin ng Northern Mindanao sa pamamagitan ng record breaking performance sa secondary girls javelin throw.

Sinundan ni Sylvian Faith Abunda ,16-anyos at incoming Grade 11 student ng C.Lanpatan National High School sa lalawigan din ng Bukidnon ang nasimulan ng long distance runner na si Jay Anne Labasano sa 3,000 meters habang dinuplika niya ang record breaking feat sa secondary boys javelin throw ni James Lozanez ng Western Visayas nang kanyang itapon ang fiber glass spear sa layong 42.85 meters.

Nalagpasan niya ang dating record na itinala ng kanyang kakampi na si Efrelyn Democer na pumangatlo lamang sa tapon nitong 40.43 meters kasunod ni Anne Katherine Quitoy ng Negros Island Region na nagtala ng tapon na 40.64 meters.

Pambansang Kamao Manny Pacquiao, nag-senti? Ilang netizens, todo-comfort!

Sa iba pang resulta, sa secondary boys high jump, nagwagi naman ang Negros Island bet na si Cesar Fernandez matapos matalon ang baras na may taas na 1.90 meters, pumangalawa sa kanya si Kent Celeste ng Ilocos Region (1.85 m) at pangatlo naman si Ernie Calipay (1.85m).

Isa pang gold medal ang nadagdag para sa host region matapos magwagi ni Alexie Mae Caimoso sa secondary girls high jump matapos matalon ang baras na itinaas ng 1.63 meters.Tinalo niya ang nakaraang taong champion at record holder na si Cherry Mae Banatao ng CAVRAA na nakatalon lamang ng 1.60 meters, mas mababa sa kanyang record na 1.66 meters na itinala niya noong isang taon sa Legazpi City.

Sa elementary level, nakapag-ambag na rin sa kanilang medal haul para sa host region sina Mary Rose Billones at Adrian Canaya matapos magsipagwagi ng gold medal sa elementary girls high jump (1.40m) at elementary boys shotput (12.67m).

Kasama nilang nagwagi ng gold medal para sa kani-kanilang rehiyon sina Maria Sally San Jose ng Southern Tagalog -Calabarzon Region sa elementary girls shotput (10.70m) at Rainier Bal Casanto na nagbigay ng unang gold sa athletics ng National Capital Region matapos manalo sa high jump (1.60m).

Sa kabuuan, matapos ang unang apat na araw ng kompetisyon, may natitipon ng 13 gold medals, 12 dito ay galing sa gymnastics,5 silver at 2 bronze medals ang NCR sa elementary kasunod ang Negros Island Region na may 3-1-2 at ang Bicol Region na may 1-3-2 at Calabarzon na may 1-2-2.

Nangunguna rin sila sa secondary level sa natipon nilang 7 gold medals, 8 silver at 3 bronze kasunod ang Central Visayas na may 3-1-3 at Northern Mindanao at host region na may tig-2 ginto.

Sa ballgames,wagi ang koponan ng NCR sa unang dalawa nitong laban sa secondary boys basketball kontra Zamboanga Peninsula Region, 87-84 at Region 4-B o Mimaropa Region sa iskor na 69-28.

Nagwagi naman ang kanilang elementary boys squad kontra Western Visayas, 60-47; nanalo ang Autonomous Region of Muslim Mindanao kontra Davao Region, 75-60 at Region 1 (Ilocos Region) kontra Region 3 (Central Luzon), 74-58.

Sa arnis, nagwagi ng dalawang gold medal ang atleta ng Region V (Bicol Region) na si Janella Dihniezie Rendon makaraang manguna sa elementary girls Anyo Event Individual single at double weapon.

Nanalo naman sa elementary boys Anyo Event Individual single weapon si Jeko Jan Heyres ng Region 12 habang pinaghatian naman ng host region -Region 6 at Cordillera Administrative Region ang unang dalawang gold sa secondary level sa pamamagitan nina John Clark Segutier at Eza Rai Yalong sa boys at girls single weapon ayon sa pagkakasunod.

Sa secondary girls volleyball, nakapagtala na ng dalawang panalo ang Region 12 o SOCCSKSARGEN Region matapos gapiin ang Central Visayas, 26-24, 25-16 at ang Northerrn Mindanao, 25-18, 25-18. na nauna nang nanalo sa una nilang laban kontra CAVRAA, 25-22, 25-16.

Ang iba pang nagsipagwagi sa una nilang laro ay ang Zamboanga Peninsula kontra Central Luzon, 23-25, 25-23, 25-22, ang CARAA kontra ARMMAA, 25-13, 25-22, ang DAVRAA laban sa Ilocos Region,25-22, 25-12, ang Western Viasayas kontra Region IV-B, 25-18, 25-18 at ang STCAA laban sa CAVRAA, 25-21, 25-7.