Limang bilanggo ng Lanton Correctional Center sa General Santos City ang iniulat na nagpositibo sa human immunodeficiency virus (HIV) matapos na sumailalim sa screening ng Department of Health (DoH).
Hindi naman ibinunyag ng DoH at ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang pagkakakilanlan ng limang bilanggo, ngunit tiniyak na imino-monitor na ang lagay ng mga ito.
Ayon sa DoH, nasa 200 bilanggo ang sumailalim sa screening at apat sa mga ito ang nagpositibo sa HIV habang ang isa pa ay naging positibo sa ikalawang batch ng 380 inmates.
Hinala naman ni Dr. Mely Lastimosa, maaaring wala pa sa preso ang limang bilanggo nang makuha ng mga ito ang HIV.
May 2,115 bilanggo, tiniyak ng BJMP na hindi nito pahihintulutan ang hindi ligtas na pagtatalik sa loob ng Lanton Correctional Center upang maiwasang makahawa ang lima. (Mary Ann Santiago)