July 23, 2026

Home BALITA Metro

Kaso ng Mpox sa Mandaluyong, kumpirmado; contact tracing, sinimulan na!

Kaso ng Mpox sa Mandaluyong, kumpirmado; contact tracing, sinimulan na!
Photo courtesy: Freepik

Naglabas ng public advisory ang Mandaluyong City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) noong Lunes, Hunyo 29, upang kumpirmahin ang paglabas ng isang kaso ng Mpox o “Monkeypox” sa kanilang lungsod. 

Sa nasabi ring abiso, inanunsyo ng CESU na kasalukuyan na silang nakikipag-ugnayan sa City Health Office, Department of Health Regional Epidemiology and Health Statistic Section (DOH-REHSS) at iba pang ahensya upang mabantayan ang Mpox case. 

Kabilang sa mga inisyatibang nasimulan na ng mga ahensya ay ang case investigation, contact tracing, risk assessment, at monitoring ng identified close contacts ng pasyente. 

Habang isinasagawa ang mga aksyong ito, hinihikayat ng CESU ang publiko na maging maagap sa regular na paghuhugas ng mga kamay, pag-iwas sa skin-to-skin contact, pagtatakip ng bibig at ilong tuwing umuubo at bumabahing, at agad na pagpapakonsulta sa doktor kapag nakitaan na ng anumang sintomas ang sarili. 

Ipinaaalala rin ng CESU sa publiko na magbigay respeto sa indibidwal na nakumpirmang kinapitan ng Mpox at iwasang magbahagi ng anumang hindi beripikadong impormasyon tungkol dito na maaaring magdulot ng pagkalito sa mga makakabasa. 

Metro

Ilog sa Antipolo, ‘bumula’ matapos tapunan ng pinaglabahang tubig!

Sa pagtatapos ng pahayag, tiniyak ng CESU na magbibigay sila ng updates sa kaso sa pamamagitan ng kanilang official social media channels. 

Sa kaugnay na ulat, ayon sa World Health Organization, ang Mpox ay isang infectious disease na nagdudulot ng masakit na mga pantal sa balat, malalaking kulani o lymph nodes, lagnat, at sakit ng ulo at mga kasukasuan. 

Ang Mpox ay dulot ng monkeypox virus (MPXV) na nakukuha sa pamamagitan ng person-to-person transmission sa isang taong infected nito. 

Dahil dito, ang Mpox ay nakukuha rin sa mga kontaminadong kagamitan tulad ng damit o tela, o kaya’y needle injuries sa mga ospital o clinic, o kaya’y tattoo parlours. 

Ang Mpox ay posible ring maipasa ng infected na ina sa kaniyang sanggol, na maaaring mauwi sa pagkamatay ng sanggol o komplikasyon para sa ina. 

Bukod sa person to person transmission, ang Mpox ay posible ring makuha sa animal- to-human transmission mula sa mga kagat o kalmot ng infected na hayop.