June 30, 2026

Home BALITA National

Sen. Risa, 'gusto talagang' makuwestiyon developer ng GoreBox

Sen. Risa, 'gusto talagang' makuwestiyon developer ng GoreBox
Photo courtesy: Enzo Recto (YT), MB

Nilinaw sa publiko ni Sen. Risa Hontiveros na gusto raw talaga niyang matanong ang developer ng online game na GoreBox na si Felix Filip kaugnay umano sa safeguards measure ng naturang laro para sa kaligtasan ng mga bata. 

Matatandaang nauna nang ihayag ni Hontiveros ang kaniyang pagkadismaya sa pagtanggi ni Filip na dumalo sa nakatakdang pagdinig ng pinangungunahan niyang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa darating na Miyerkules, Hulyo 1, 2026. 

KAUGNAY NA BALITA: ‘Mananagot din sila!’ Sen. Risa, nadismaya sa pagtanggi ng GoreBox developer

Sa naging pahayag ni Hontiveros sa panayam sa kaniya ng abogadong si Atty. Ricky “Enzo Recto” Tomotorgo noong Lunes, Hunyo 29, idiniin niyang nagawa nga raw dumalo ng mga developers ng online game na Roblox sa pamamagitan ng Zoom sa ikinasa nilang pagdinig noong Abril 2026. 

Ani Hontiveros, layunin daw niyang kuwestiyonin si Filip kaugnay sa inihayag nitong safeguards ng GoreBox sa kanilang Komite at iba pang mga pahayagan sa Pilipinas. 

National

'Mga sabi-sabing walang ebidensya Prosecution, 'di totoo!'—Rep. Ridon

“Gusto ko rin itanong sana do’n sa developers ng GoreBox, ‘Ano ba ‘yong mga safeguards na sinabi niya sa aming Komite at sa kaniyang sulat sa Philippine Daily Inquirer na meron naman daw na mga safeguards sa loob ng kaniyang game,” aniya. 

Dagdag pa niya, “Gusto ko talagang malaman na kung ‘yong mga safeguards na ‘yan ay talagang ini-implement. Hindi lang ng GoreBox kundi ng mga platforms kung saan nilalaro ang game na iyan dahil baka kailangan nating palakasin.” 

Diin ni Hontiveros, marami raw bagay na kailangan nilang palakasin ang mga safety measures para higit na maprotektahan ang mga bata sa kanilang paglalaro online. 

“Maraming bagay ang kailangan nating palakasin para proteksyunan ang ating mga anak, ‘yong ating mga bata, para habang naglalaro sila sa mga games, manatili silang ligtas,” saad niya. 

Anang senador, para din naman daw iyon sa mga magulang at kaguruan na nagtatanong kung ano ang posibleng solusyon sa tila lumalalang epekto ng online games sa kabataan, partikular sa naging insidente ng pamamaril ng dalawang menor de edad sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22, 2026. 

“‘Yan po ay tulong din sa ating mga magulang, sa ating mga guro, na kasunod ng trahedya sa Tacloban ay talagang nagtatanong din. Paano natin mapapanatiling safe ang mga games para sa ating mga anak, mga estudyante,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, sa bagong Facebook post ni Hontiveros nitong Martes, Hunyo 30, idiniin niyang hindi raw siya kailanman nagrekomenda ng pagba-ban ng mga online games kasama na ang Gorebox. 

Screenshot mula sa FB post ni Hontiveros. 

Depensa niya, sa Hulyo 1 pa lang daw magsisimula ang kanilang pagdinig at wala pang recommendation findings ang kaniyang Komite kaugnay sa naturang isyu at normal lang daw na ipatawag nila ang mga stakeholders na dawit sa naging pamamaril ng mga menor de edad. 

Lalo na raw at sinabi ng Department of Justice (DOJ) na maaaring may posibilidad na naimpluwensyahan ang batang suspek ng Nihilistic Violent Extremism (NVE). 

KAUGNAY NA BALITA: CICC, pansamantalang ipagbabawal ang ‘GoreBox’

KAUGNAY NA BALITA: 1 bata inutong maghubad, tumalon kapalit ng 'trophy' sa Roblox!