Kinumpirma kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na dinukot ng mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang isang sundalo, na nagsisilbing undercover agent ng Philippine Army sa ilalim ng Joint Task Force Sulu (JTF-Sulu), habang naglalakad patungong palengke sa Barangay Igasan, Patikul, Sulu, nitong Huwebes ng umaga.

Kinilala ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) spokesman Capt. Jo-Ann Petinglay ang dinukot na sundalong si Staff Sgt. Anni Siraji, ng 32nd Infantry Battalion.

Si Siraji ay dating miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) na tumulong sa gobyerno sa peace at development effort sa Sulu.

Ayon sa militar, tinangay si Siraji ng pitong armadong bandido, na pinamumunuan ni Waltun Julhasan, bandang 9:30 ng umaga nitong Huwebes.

Probinsya

Ash falls dulot ng bulkang Kanlaon, naranasan sa ilang bahagi ng Negros Occidental

Sinabi naman ni Brigadier General Cirilito Sobejana, commander ng JTF-Sulu, na ang “abduction incident involving our soldier should not be a reason for us to back out but should further motivate us to continue our relentless and sustained focus military operations against the ASG and the rescue of all kidnap victims.”

Samantala, sumuko sa militar nitong Miyerkules ng hapon sa Bgy. Bohe Pahu sa Ungkaya Pukan, Basilan, ang tauhan ng Abu Sayyaf leader na si Furuji Indama na si Nasser Sagap, 20, alyas “Sinbad”, at taga-Bgy. Limpu Upas, Tipo-Tipo.

Ika-17 miyembro ng Abu Sayyaf na sumuko sa gobyerno, bitbit din ni Sagap ang kanyang .30 caliber Garand rifle na may apat na bala.

Kasabay nito, inihayag ni Lt. Gen. Carlito Galvez, Jr., commander ng WestMinCom, ang pagkakakubkob sa kampo ng grupo ni Indama sa Bgy. Cabcaban, Sumisip. (FER TABOY at NONOY LACSON)