NAGING matagumpay ang “Kalyeserye sa US” concerts sa Pasadena Civic Auditorium sa Los Angeles, California at sa Kings Theater sa Brooklyn, New York nina Alden Richards at Maine Mendoza, kasama sina Wally Bayola, Paolo Ballesteros at Jose Manalo.  

Ang maganda, napanood din ito ng lahat ng AlDub fans all over the world dahil may mga kababayan tayong naka-base doon na gumamit ng periscope. 

Siyempre pa, nakisabay ang audience sa pag-awit ni Alden ng paboritong song ng AlDub na God Gave Me You.

Natapos ang istorya ng kalyeserye sa L.A. na nawawala o baka nakidnap ang kambal ng mag-asawang Alden at Maine, at hindi pa nila alam kung sino ang kumuha, sa New York, ipinagpatuloy ang story pagkatapos na makipag-one-on-one sina Alden at Maine sa fans na nakasama nila on stage.  

Teleserye

Mon Confiado, nag-react sa sinabi ni Herlene Budol na nakakatakot siya

Binigyan din nila ng tribute ang kanilang matatandang fans na kahit sa gabi ang concert ay maagang pumila para lamang makita at mapanood sila nang personal.

May gift sila sa lolang 83 years old at lolo na 69 years old na mga Pinoy din na matagal nang naka-base roon, ang bubble heads nila sa Eat Bulaga at naka-selfie sila.

Tulad din sa kalyeserye sa EB tuwing magtatangkang halikan ni Alden si Maine, tumutunog ang busina. Sa pagsisimula ng kalyeserye, hindi na alam ni Maine kung ano ang gagawin at hinihimatay siya sa nerbiyos kapag naiisip ang kambal nila ni Alden. Kaeksena nila si Dhurizz (played also ni Wally), apo ni Lola Nidora at nang makita niyang hinimatay si Maine at sinalo ni Alden, nagkunwari rin siyang nawalan ng malay. Pero hindi siya sinalo ni Alden, sa halip, ang sabi sa kanya, “are you okey?” habang hawak sa braso si Maine. Kuwelang-kuwela sa audience ang eksena nilang ito.

Lumabas ang tatlong lola at nagbigay ng solo numbers. Maya-maya pa ay dumating si Yaya Mot (Hopia ng EB Dancers) dala na ang kambal.

Mistaken identity raw, akala raw ng nakakuha sa kambal ay iyon ang anak nilang kambal. Sabi ni Lola Tinidora, kahit pala sa New York ay may ganoon din, mistaken identity.

Labis ang pasasalamat nina Alden at Maine na natagpuan din ang kanilang kambal. Muntik na raw silang magsisi kung bakit isinama pa nila ang kanilang kambal para manood lamang ng concert sa LA at New York. Nangako sa isa’t isa sina Alden at Maine na hindi nila pababayaan ang kanilang mga anak at magiging mabuti silang ama at ina ng mga ito. 

Maya-maya pa ay biglang tumakbo si Maine na nasusuka raw kaya sinundan ni Alden. Tilian ang audience, alam na raw nila ang ibig sabihin noon. Nagpasalamat din sina Alden at Maine at ang mga lola sa mainit na pagtanggap sa kanila ng audience sa New York. First time kasi iyon ni Alden kaya labis-labis ang pasasalamat niya.

Umaasa ngayon ang AlDub Nation pagkatapos ng Destined To Be Yours ay ibabalik at magpapatuloy pa rin ang kalyeserye ng EB. Matatandaan na nagtapos pansamantala ang kalyeserye nang imbitahin ni Lola Babah (Ai Ai delas Alas) ang mag-anak na tumira muna sa kanya sa Russia.  

May span of five years na ang story at pagbalik nila ay malalaki na ang kambal at susundan na ang mga ito.

Iyon ay mangyayari kung hindi pa magsisimulang mag-shooting sina Alden at Maine ng bago nilang movie sa June.

(Nora Calderon)