ISULAN, Sultan Kudarat – Ilang araw makaraang sibakin sa puwesto, dumalaw sa Sultan Kudarat si dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Ismael Sueno at malugod naman siyang tinanggap ng malapit na kaibigang si Gov. Sultan Pax S. Mangudadatu, al hadz.

Sa panayam kay Sueno, nilinaw niyang wala siyang hinanakit kay Pangulong Duterte o sa sinuman dahil naniniwala siyang kagustuhan ng Diyos ang nangyari.

Iginiit din niyang ang pagsibak sa kanya ng Pangulo ay bunga ng “maling intriga”, gayunman iginagalang niya ang naging pasya ni Duterte.

Nilinaw din niya ang legalidad ng mga usaping ibinibintang sa kanya, partikular ang tungkol sa fire trucks deal, at muli niyang iginiit na hindi totoo ang mga alegasyon ng kurapsiyon laban sa kanya.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Inamin din ni Sueno na minsan ay inalok siya ng milyong piso ng isang gambling lord mula sa Pampanga kapalit ng pamamayagpag ng sugal, ngunit tinanggihan niya ito.

“Mahal ako ng Diyos at lahat ng nangyari sa akin ay ipinauubaya ko sa Kanya. Wala akong sinisisi o hinanakit sa sinuman sa nangyari sa akin,” nakangiting sabi ni Sueno. “Ngayon ay muli kong pagkakaabalahan ang pagsasaka at pag-aasikaso sa ilang kabuhayan namin.” (Leo P. Diaz)