CHICAGO (Reuters, AFP) – Tumitindi ang pagbatikos sa United Airlines at sa chief executive nito kaugnay sa pagtrato sa isang pasahero na kinaladkad sa kanyang upuan pababa ng eroplano noong Linggo upang makasakay ang apat na empleyado sa overbooked flight.
Naglabas ng pahayag ang mga abogado ng pasaherong si Dr. David Dao noong Martes at sinabing nagpapagamot siya sa isang ospital sa Chicago.
Iniimbestigahan na ng U.S. Department of Transportation ang insidente.
Humingi ng paumanhin si United CEO Oscar Munoz nitong Martes. “I’m sorry. We will fix this,” aniya. Habang isang online petition na nanawagan ng kanyang pagbibitiw ang lumikom na ng 22,000 lagda.
Nag-viral ang video ng pagkaladkad kay Dao sa United Airlines Flight 3411 sa Chicago O’Hare International Airport na nagbunsod ng galit ng mundo.
Mahigit 480 milyong gumagamit ng Weibo, ang katumbas ng Twitter sa China, ang nag-react at nanawagang iboykot ang airline.
“Shameless! We won’t forgive them. Ethnic Chinese around the world please boycott United Airlines!” sulat ng isang commentator.
Sa United States, patuloy ang galit sa social media, sa insidenteng nag-trending sa Twitter sa ikalawang magkakasunod na araw. Maraming user ang gumamit ng hashtag na #NewUnitedAirlinesMotto at #BoycottUnitedAirlines.