Nanawagan si Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa mga opisyal ng gobyerno na iwasan ang conflict of interest at pumili lamang sa pagitan ng negosyo at serbisyo publiko, kasabay ng patuloy na imbestigasyon sa ilang mambabatas na umano'y may kaugnayan sa mga pribadong negosyo habang nasa puwesto.
Sa isang programa sa radyo nitong Sabado, Hulyo 11, 2026, binigyang-diin ni Remulla na kailangang magkaroon ng mas mataas na pamantayan ng integridad at pagiging disente sa pamahalaan.
“Itong conflict of interest, tigilan na natin. Let’s set a standard in our country of decency. Maging disente naman tayong mga tao. Tama na ’yan," ani Remulla.
Dagdag pa niya, hindi dapat pagsabayin ng isang opisyal ng gobyerno ang negosyo at politika upang maiwasan ang pagdududa ng publiko sa kanilang mga desisyon at proyekto.
“Magnegosyo ka kung gusto mo, pero huwag kang magpo-politika," dagdag niya.
Ayon pa sa Ombudsman, hindi lamang mga party-list representative ang nasasangkot sa usapin ng pagiging contractor habang nasa puwesto kundi maging ilang district congressman din.
“Hindi lang naman party-list ang nagko-contractor. May mga district congressman na kasama," pahayag ni Remulla.
Nauna nang kinumpirma ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na iniimbestigahan ng tanggapan ang dalawang mambabatas kaugnay ng umano'y paglabag sa Section 3(h) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na magkaroon ng pinansyal na interes sa mga kontratang may kaugnayan sa kanilang tungkulin.
Kabilang sa mga iniimbestigahan sina Uswag Ilonggo party-list Representative Jojo Ang at Tarlac Third District Representative Noel Rivera dahil sa umano'y koneksyon sa mga construction business habang nagsisilbi sa gobyerno.
Bukod dito, sinabi rin ni Remulla na nasa ilalim na rin ng imbestigasyon ang hindi bababa sa walong tinatawag niyang mga "congtractors" na iniuugnay sa umano'y mga iregularidad sa mga flood control projects sa bansa.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa mga naturang kaso upang matukoy kung may pananagutang kriminal o administratibo ang mga sangkot na opisyal.