TARGET ng NLEX at GlobalPort na makapasok sa win column sa pagtutuos ng dalawang bokyang koponan ngayon sa 2017 PBA Commissioner’s Cup elimination sa Araneta Coliseum.
Kapwa wala pang naipapanalo ang dalawang koponan -- ang Road Warriors makaraan ang unang limang laban at ang Batang Pier pagkaraan ng apat na laro – kung kaya’t inaasahang aksiyong walang puknat ang duwelo ganap na 4:15 ng hapon.
Kasunod nito, magtutunggali naman sa tampok na laban ang depending champion Rain or Shine at Phoenix ganap na 7:00 ng gabi.
Sa nakaraang huling dalawang laro, halos naaamoy na ng Road Warriors ang una nilang panalo ngunit, humuhulagpos ito sa kanilang mga kamay sa dakong huli.
Huli silang natalo sa kamay ng Talk N Text sa iskor na 121-126.
Sa tampok na laban, magtatangka naman ang Elasto Painters na makabalik sa winning track sa pagsagupa nila sa Fuel Masters na hanggang ngayo’y naghihintay pa rin ng maganda at consistent na laro sa kanilang mga local.
Isa sa inaasahang mag -step-up ay si rookie Matthew Wright na nabokya sa huling dalawang laro.
Mismong si Phoenix coach Ariel Vanguardia ang nagsabing wala sa kanilang import ang problema kundi sa kanyang mga lokal na manlalaro dahil hindi nila mabigyan si Jameel McKay ng kinakailangan nitong suporta.. (Marivic Awitan)