SA panahon ng Semana Santa, maraming pangyayari sa buhay ni Kristo na nag-iwan ng magandang aral na napapanahong pagnilayan ng mga Kristiyanong Katoliko na naniniwala sa mga aral ng Tagapagligtas ng Sangkatauhan. Mababanggit na halimbawa ang pagkakanulo o pagtataksil ni Hudas kay Kristo at ang mga pangyayari sa “Huling Hapunan” bago ang pagdakip sa kanya na simula na ng kanyang mga hirap at pasakit na humantong sa pagpapako sa krus at kamatayan.
Ang pagkakanulo ni Hudas kay Kristo na ang katumbas ay 30 pirasong pilak na inihudyat ng isang halik ay lubos na ikinagalak ng mga eskriba at pariseo sapagkat nagkaroon sila ng pagkakataon upang madakip si Kristo. Si Hudas ang chief executive operating officer ng barkada ni Kristo kung ihahambing sa ating panahon. Siya ang may hawak ng pera ng samahan.
Sa buhay-Kristiyano at maging sa iba’t ibang larangan, gawain, lipunan, pamahalaan, organisasyon at iba pang samahan na kinasasangkutan ng tao, ang pagkakanulo ni Hudas kay Kristo ay naging matibay na simbolo ng kataksilan. Maging ang halik na sagisag o tanda ng pagmamahal, kapag hindi matapat at puno ng pagkukuwanri ay itinuturing na “Halik-Hudas” na hindi mapagkakatiwalaan sapagkat mapanganib na nararapat na ingatan at iwasan.
Ang pagkakanulo kay Kristo at ang pakikipagsabwatan ni Hudas ay masasabing isang “inside job” at pinaghandaan.
Maitutulad ito sa gawain ng ilang Kristiyano sa ano mang panahon na dahil sa kasakiman at sa hangad na patuloy na magkamit ng mga kaluwagan, salapi, kayamanan, tungkulin, kapangyarihan at iba pang pribilehiyo sa buhay, sila’y nagmimistulang makabagong HUDAS na nagagawa ring makipagsabwatan at ipagkanulo ang kanyang kapwa at bayan. Naalaala ng inyong lingkod ang pagsibak sa isang cabinet member ni Pangulong Rodrigo Duterte na “ipinagkanulo” ng kanyang tatlong undersecretary dahil sa umano’y maanomalyang pagbili ng mga fire truck sa Austria.
Pinagsisihan sa wakas ni Hudas ang kanyang pagkakanulo o pagtataksil kay Kristo na ang kabayaran ay ang kanyang pagbibigti. Isang maliwanag na tanda ng pagkatalo at kawalang-pag-asa. Kailan naman kaya magbibigti ang mga Hudas sa ating bayan at mga nasa pamahalaan?
Samantala, ang HULING HAPUNAN ni Kristo at ng kanyang mga alagad ay ginugunita sa ikaapat na araw ng Semana Santa o Huwebes Santo. Tinatawag na “Maundy...
Thursday” ang araw na ito na galing sa salitang Latin na “mandatum” na ang kahulugan ay commandment o utos.
Makahulugan ang Huling Hapunan ni Kristo sapagkat sa pagkakataong iyon, inordenan niya ang kanyang mga alagad bilang mga “unang pari”. At sa pananampalatayang Kristiyano, ang Huling Hapunan ang simula at batayan ng Banal na Misa at ang pagkakaroon ng sakramento ng Banal na Eukaristiya (Holy Eucharist) na sakramento ng tinatawag na “Christian unity”.
Ang pagpapahalaga ni Kristo sa Banal na Misa ay malinaw niyang binanggit bago niya ipinakain ang tinapay at ipinainom ang alak sa kanyang mga alagad. “Ito ang aking katawan. Ito ang aking dugo na huhugas sa sala ng sangkatauhan. Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin”. (Clemen Bautista)