MARAMI na akong nai-cover na sensational murder case na sa kagustuhan ng mga imbestigador na makaalpas sa pressure ng kanilang mga “boss” na lutasin agad ang mga kasong kanilang hinahawakan, ay minamadali ang kanilang pag-iimbestiga na kadalasang humahantong sa pagsasampa ng kasong “hilaw” laban sa mga suspek, na agad ding napapawalang-sala dahil sa kakulangan ng matibay na ebidensiya.
Kaya parang nakikita kong ganito rin ang mangyayari - ngunit huwag naman sana - sa kaso ng pagpatay sa 23-taong gulang na si Mary Christine Balagtas, ang Bulakenyang beauty queen, na pinagbabaril ng dalawang lalaki na nagpanggap na delivery boy sa loob mismo ng kanilang bahay sa Plaridel nito lamang Miyerkules.
Nakaugalian na kasi ng ilang imbestigador na pulis na ihain agad sa piskalya ang kaso sa paniwalang dito nagtatapos ang kanilang trabaho at “lutas” na ang kaso kapag may naidemanda na silang suspek. Sorry na lamang sa magigiting na imbestigador sa mga presinto, tila mali o kaya’y kulang ang trabahong ganito.
Malaking kaibahan ito sa natutuhan ko sa mga beteranong ahente ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang premier investigating arm ng Philippine National Police (PNP), na sa dami ng nasubaybayan kong hinawakan nilang mga kasong naipanalo, ay lumalabas agad ang pagiging bias ko sa kanila, kapag “police investigation” ang pinag-uusapan.
Duda akong baka “ma-shortcut” lang ang kasong ito dahil sa kabi-kabilang “pressure”, mula sa sumisimpatiyang mga netizen na ginagamit ng mga kamag-anak at kaibigan ng biktima upang makamit agad ang hustisya. Ang mas matinding pressure ay galing naman, siyempre, sa mga “bossing” sa Police Regional Office 3 (PRO-3), na may halong konting pananakot na masibak sa puwesto kapag ‘di agad nakapaghain ng kaso.
Ayon sa mga imbestigador, biktima si Mary ng “love triangle” at alam na raw nila kung sino ang “mastermind” sa pagpatay na ipinagpapalagay na siya ring umupa sa dalawang “hired killer” na nagpanggap na mga delivery boy.
Sana, bago ituloy ni Supt. Julio Lizardo, hepe ng Plaridel Police, ang sinasabi niyang pagsasampa ng kaso laban sa “mastermind” ay may iba... pa silang hawak na mga solidong ebidensiya laban dito, bukod pa sa sinasabi niyang ibinigay na testimoniya ng nanay ng biktima na nagtuturong ang karelasyon ng kanyang anak ang sinasabing “utak” sa pagpatay.
Sa pakiwari ko kasi, maliban sa mga testimonya ng pamilya ng biktima, ay walang ibang ebidensiyang hawak ang mga imbestigador na makatutulong para maidiin ang mastermind na sasampahan daw nila ng kaso kapag nailibing na ang biktima, bilang tugon sa kahilingan ng mga magulang ni Mary. Bagamat wala pang petsa ang libing, inihahanda na ng mga imbestigador ang isasampang kaso laban sa mastermind na ayaw pa nilang pangalanan.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)