BORACAY ISLAND - Patuloy ang pagtaas ng bilang ng turistang bumibisita sa isla ng Boracay sa Malay, Aklan sa gitna ng isyu tungkol sa algal bloom.
Batay sa estadistika ng Caticlan Jetty Port, umabot sa 167,445 dayuhan at lokal na turista ang bumisita sa Boracay nitong Marso.
Nangunguna sa mga nagtungo sa isla ang mula sa South Korea, na may 27,231 arrivals, kasunod ang China, na nakapagrehistro ng 25,127 arrivals.
Naging isyu kamakailan ang pagdami ng green algae malapit sa dalampasigan ng Boracay na sinasabing ikinabahala ng ilang turista dahil nagkulay-berde ang dagat.
Inaasahan naman ng administrasyon ng Caticlan Jetty Port na dadagsa pa ang mga turista sa isla ngayong linggo dahil sa mahabang bakasyon sa paggunita ng Kuwaresma. (Jun N. Aguirre)