SAN FERNANDO CITY, La Union – Isinauli ng dalawang operatiba ng San Fernando City Police ang nasa P100,000 cash at mahahalagang dokumento at ID na nasa sling bag na naiwan ng isang kumain sa fast food restaurant sa CSI Mall sa Barangay Biday sa siyudad nitong Miyerkules ng hapon.

Habang nagpapatrulya sa mall, napulot ni PO2 Sonny Perez ang bag at kaagad na nakipag-ugnayan sa hepe niyang si Chief Insp. Bernardo Manzano, na tumukoy naman sa nakaiwan ng bag sa fast food restaurant.

Natukoy ang may-ari ng bag na si Renato Alvarez, empleyado ng isang money-lending company at taga-Bgy. Esperanza, Sison, Pangasinan.

Ayon kay Manzano, bandang 4:30 ng hapon nitong Miyerkules nang pumasok si Alvarez sa Goldilocks para kumain, bitbit ang kanyang sling bag na kinapapalooban ng P113,960 cash, ilang ATM at ilang ID.

Probinsya

Ash falls dulot ng bulkang Kanlaon, naranasan sa ilang bahagi ng Negros Occidental

Makalipas ang ilang oras, lumabas sa kainan si Alvarez ngunit naiwan niya ang bag na inilapag niya sa silyang katabi ng kanyang inupuan.

Pumasok sa nabanggit na restaurant si PO2 Perez hanggang napansin nito ang bag na nasa upuan.

“Tinawagan ako ni Sir Manzano, mga 6:30 ng gabi. Sinabi niyang may natanggap silang tawag mula sa ibang police station tungkol sa isang sling bag na nawala rito sa lugar ko,” ani Perez.

Naghintay sina Chief Insp. Manzano at PO2 Perez sa pagbabalik ni Alvarez, na bumiyahe pa pabalik sa San Fernando, dahil, aniya, ang pera ay pag-aari ng pinagtatrabahuhan niyang kumpanya at nakatakda niyang ibigay sa isang kliyente.

Labis naman ang pasasalamat ni Alvarez sa dalawang pulis. (Erwin G. Beleo)