Kabilang ang dalawang opisyal ng militar sa 32 sundalo na nasugatan sa panibagong sagupaan laban sa Abu Sayyaf na nagsimula noong Linggo sa Patikul, Sulu.
Base sa report ng Armed Forces of the Philippines (AFP), matindi ang naging labanan sa bulubundukin ng Barangay Langhub, Patikul.
Kabilang sa mga nasugatan sina 2Lt. William George Cordova ng 41st Infantry Battalion ng Army at 1Lt. Joe Mari Landicho.
Apat sa mga sugatang sundalo ang inilipat sa Zamboanga City at tatlo sa kanila ang naka-confine ngayon sa Camp Navarro General Hospital sa Western Mindanao Command (WestMinCom).
Ginagamot naman sa isang pribadong hospital ng Zamboanga City ang isa sa mga biktima.
Hindi pa matiyak ng ng militar kung ilan sa Abu Sayyaf ang napatay at nasugatan.
Hindi rin matukoy kung kaninong grupo ng Abu Sayyaf ang nakasagupa ng mga tropa ng Army.
Sinabi ni Col. Cirilito Sobejana, commander ng Joint Task Force Sulu, na patuloy pa simula kahapon ang operasyon ng militar. (Fer Taboy)