Batay sa pagbibigay umano ng abiso ng mga abogado ni Vice President Sara Duterte sa Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA), maaari daw dumating sa ikalawang araw ng Senate impeachment trial ang Pangalawang Pangulo ngayong Martes, Hulyo 7, 2026.
Matatandaang opisyal nang nagsimula ang impeachment trial laban kay VP Sara noong Lunes, Hulyo 7, kung saan dinaluhan ito ng kapuwa mga miyembro ng House prosecution panel at defense team ng Pangalawang Pangulo.
Sa naging pahayag ni Senate Sergeant-at-Arms Alfred Corpus sa panayam sa kaniya ng media nitong Martes, sinabi niyang may pasabi o abiso daw ang kampo ni VP Sara sa OSAA sa maaari nitong pagdating.
“Today. Meron silang mga pasabi pero we don’t know if she’s come,” aniya.
Paglilinaw ni Corpus, may nakalaan daw na holding area para kay VP Sara at nakabukod daw ito sa holding area na tinutuluyan ng defense team na binubuo ng kaniyang mga abogado.
“The Vice President has a designated holding area in this building. If there's a defense holding area, she has own holding area,” aniya.
Diin ni Corpus, tila iniiwasan naman daw siguro ng mga Senator-Judge na makasalamuha si VP Sara dahil gumugulong na raw ang impeachment trial laban dito.
“I think because the Senator-Judges is already on the impeachment trial, siguro mas umiiwas na silang [magkita] because [she] was already on trial,” saad niya.
Pagpapatuloy pa ni Corpus, araw-araw naman daw nilang inaasahan ang maaaring pagdating ni VP Sara sa Senado dahil sa trial laban dito at lagi raw silang handang tanggapin ang Pangalawang Pangulo.
“Everyday, we are expecting her to come because she’s on trial. Everyday she might come and the Senate, the OSAA [is] ready to accept her,” paglilinaw pa niya.
Samantala, wala pa namang opisyal na kumpirmasyong inilalabas si VP Sara o ang kaniyang mga abogado kaugnay rito.
Nakatakdang muling magsimula ang Senate impeachment trial laban kay VP Sara sa ganap na 2:00 ng hapon ngayong Martes, Hulyo 7, 2026.
MAKI-BALITA: 'Walang bise presidente na handang magpapatay ng presidente... ngayon lang!'—Luistro
MAKI-BALITA: Kahit nalagasan ng tatlo: 16 na boto, kailangan pa rin para ma-convict si VP Sara