NAKATANGGAP ng mga pataba ang mga nagtatanim ng cacao at kape sa Compostela Valley mula kay Pangulong Rodrigo Duterte, sa tulong ng Department of Agriculture at ng pamahalaang panglalawigan.

Inihayag ng information office ng Compostella Valley nitong Lunes na nasa kabuuang 2,760 sako ng pataba ang ipinamahagi ni Compostela Valley Gov. Jayvee Tyrone Uy sa mahigit 200 magsasaka ng cacao at kape sa probinsiya.

Bahagi ang pamamahagi ng mga pataba ng pinalakas na Technology Demonstration for Productivity Enhancement of Existing Coffee and Cacao Trees Rehabilitation Program na ipinatutupad ng Malacañang sa pamamagitan ng Department of Agriculture.

Namahagi rin ng mga binhi ng cacao at kape sa mga magsasaka na may layuning pataasin ang produksiyon ng nabanggit na mga tanim sa Compostela Valley.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Nais din ni Uy na matulungan ang mga nagtatanim ng cacao at kape na mapataas ang kanilang produksiyon at kita, dagdag ng pahayag.

Pinangangasiwaan din ng Provincial Agriculture Office (PAGRO) ng Compostela Valley, sa pangunguna ni Dr. Rolando Simene, ang pamamahagi ng mga pataba at binhi.

Sinabi ni High-Value Commercial Crops Development Division Chief Minda Agarano na magtutuluy-tuloy ang distribusiyon ng mga binhi at mga pataba sa pagdami ng magsasaka sa Compostela Valley na nais subukan ang high-value crops production.

Ang unang nakatanggap ng mga pataba at binhi noong nakaraang linggo ay ang mga magsasaka mula sa bayan ng Montevista, kung saan 660 sako ng mga pataba ang naipamahagi.

Nagpasalamat si Montevista Mayor Eutropio Jayectin kay Gobernador Uy, sa Department of Agriculture-Region 11 at sa Provincial Agriculture Office sa suporta sa mga magsasaka ng kanyang munisipalidad.

Sinabi ni Mayor Jayectin na makatutulong ang pamamahagi ng mga binhi sa pagpapalawak sa taniman ng cacao at kape sa kanilang lugar, at mapatataas ang kanilang produksiyon at kita.

Itatakda ng Provincial Agriculture Office at Department of Agriculture-Region 11 ang pamamahagi ng mga pataba at binhi sa iba pang mga bayan, ayon sa pahayag. (PNA)