NANG mistulang hinubaran ng committee chairmanship ang ilang Kongresista, nabulabog ang super majority sa Kamara.

Mababaw ang dahilan ng pagpapatalsik sa nabanggit na mga mambabatas na pawang kasapi ng mayorya sa kapulungang pinamumunuan ni Speaker Pantaleon Alvarez; hindi sila bumoto sa muling pagpapatupad ng death penalty.

Dahil dito, hindi maiaalis na ang mga naging biktima ng walang pakundangang pagsibak sa pinamumunuan nilang mga komite ay magdamdam sa pamunuan ng Kamara, lalo na kung iisipin na sila ay matapat na kaalyado ng Duterte administration. Naniniwala ako na mismong si dating Pangulong Gloria Arroyo na ngayon ay Kongresista ng Pampanga ay nagulantang sa aksiyon ni Speaker Alvarez. Si Arroyo ay inalis bilang deputy speaker ng Kamara dahil lamang sa kanyang matinding paninindigan laban sa parusang kamatayan.

Totoong gayundin ang kimkim na hinanakit ng iba pang committee chairman na sumalungat sa pananaw ng super majority.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Bagamat matindi ang kanilang pagtutol sa pagpapatupad ng death penalty, naniniwala ako na ang mistulang pinarusahang mga Kongresista ay hindi dapat panghimasukan sa pagtimbang sa naturang isyu. Karapatan nilang gamitin ang kanilang konsiyensiya sa pagpapasiya sa ano mang usaping inihaharap sa kanila. Hindi ito dapat maging dahilan upang mawasak ang matatag na alyansa sa Kamara at sa mismong administrasyon.

Ang mistulang pagsusumamo ni Pangulong Duterte upang itigil ang isinusulong na impeachment complaint laban kay Vice Presidente Leni Robredo ay maaaring lumikha ng lamat sa naghaharing partido. Determinado si Speaker Pantaleon at iba pang kapanalig sa pagsasampa ng reklamo laban kay VP Leni. Maliban kung pakitang-tao lamang ang nasabing paninindigan ng Pangulo, hindi niya gustong madamay pa sa kaliwa’t kanang pagsasampa ng impeachment case laban sa ating Pangalawang Pangulo.

Taliwas din sa mga patakaran ng administrasyon ang pananaw ng ilang miyembro ng Duterte Cabinet; tinututulan nila ang muling pagpapatupad ng Oplan Tokhang laban sa illegal drugs. Binuhay kamakailan ng Pangulo ang nasabing operasyon sa hangaring ganap na malipol ang users at pushers ng shabu at iba pang bawal na droga. Subalit ito ay kinukontra... ng kanyang mga kaalyado, lalo na ang sinasabing “maka-kaliwa”.

Maging ang kumpirmasyon ni Secretary Gina Lopez ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay mahigpit na hinaharang ng ilang Cabinet member at kaalyadong mga mambabatas sa super majority. Taliwas ito sa paninindigan ng Pangulo na malaki ang tiwala sa nasabing opisyal na determinado sa pagpuksa sa illegal mining na pumipinsala sa kalikasan at kapaligiran. Si Gina ay mistulang hinanap ng Pangulo upang ipagkatiwala ang isang makabuluhan at maselang misyon para sa bayan.

Marapat lamang mapawi ang ano mang hudyat sa pagkakawatak-watak ng puwersa ng Duterte administration upang mabawasan kundi man ganap na malutas ang mga problemang gumigiyagis sa lipunan. (Celo Lagmay)