Tatlo pang Malaysian na bihag ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang nailigtas ng militar sa Sulu nitong Linggo ng gabi.

Ayon sa paunang ulat sa Armes Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) sa Zamboanga City, kinilala ang mga nabawi sa Abu Sayyaf na sina Zulkipli Bin Ali, Mohammad Ridzuan Bin Ismail, at Fandy Bin Bakran.

Batay sa mga report, iniligtas ang tatlo ng mga operatiba ng Joint Task Force Sulu sa Barangay Jinggan, Panglima Estino, Sulu, bandang 11:30 ng gabi nitong Linggo.

Dinala ang mga nabawing bihag sa Kuta Heneral Teodolfo Bautista Hospital para sa medikal na pagsusuri.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Nailigtas ang tatlong Malaysian tatlong araw makaraang mabawi rin ng militar mula sa mga bandido ang dalawang Malaysian.

Ayon kay AFP Chief of Staff General Eduardo Año, basta na lamang inabandona ng Abu Sayyaf ang tatlong Malaysian sa takot na masukol ng militar at walang nangyaring engkuwentro.

Sa ngayon, ayon kay Año, 27 na lamang ang bihag ng Abu Sayyaf: 20 dayuhan at pitong Pinoy. (FRANCIS T. WAKEFIELD)