Isa na namang matinding tapatan at tagisan ng tatag at diskarte sa pagitan ng mga pangunahing riders ng bansa ang inaasahang matutunghayan sa idaraos na 3rd Road Bike Philippines 7-Eleven Cycling Classic sa Abril 30 sa Sual,Pangasinan.
Kabilang sa mga nagpahayag ng kanilang pagsali sa karera ang mga miyembro ng mga kilalang mga club team na gaya ng Philippine Navy Standard Insurance, Go for Gold gayundin ang dalawang continental teams na CNN at ang 7-Eleven RBP.
Walang registration fee na sisingilin sa lhat ng mga gustong lumahok sa karera na inorganisa ng Road Bike Philippines s pamumuno ng founder nito na si PhilCycling director Engineer Bong Sual.
Bukod dito, naglaan din ang sila, ayon kay Sual, ng kabuuang P100,000 salaping papremyo at iba pang mga give aways para sa mga mananalo.
Sinabi naman ng race official na si Sherwin Baguio na ang dating 42 kilometrong karera mula sa bayan ng Sual paikot ng Labrador ay mananatiling ruta ng karera.
Ngunit magiging mabigat na hamon para sa mga elite rider na kalahok ang pagbagtas sa ruta ng apat ng beses upang makumpleto ang kabuuang 166 na kilometro habang tig-dalawng ikot naman ang mga juniors o under-23 riders para sa kabuuang 84 na kilometro.
Sa nakaraang unang dalawang pagdaraos ng karera, ang Spanish rider ng 7-Eleven RBP na si Edgar Nieto ang nanalo kung saan pumanglawa sa kanya ang kakamping si Bonjoe Martin. (Marivic Awitan)