PINAYAGAN ng PBA ang pagpaparaya sa 15 players na kabilang sa Gilas Pilipinas 5.0 na naghahanda sa gaganaping Southeast Asian Basketball Association (Seaba) Men's Championship.

Batay sa napagkasunduan ng mga miyembro ng PBA Board, iri-release ang mga mapipiling mga manlalaro, 15 araw bago idaos ang kompetisyon.

Ang nasabing regional championships na magsisilbing qualifying tournament para sa Fiba Asia Cup ay nakatakdang ganapin sa Mayo 12-18 sa Araneta Coliseum.

Nangangahulugan lamang na ang mga manlalarong mapipili ni national coach Chot Reyes ay papayagan ng kani-kanilang mga teams sa panahon ng pagdaraos ng PBA ng taunang All-Stars.

Mentor era? John Amores, nagtuturo na ng 'shooting skills' sa aspiring players

Mula sa kabuuang 25 mga manlalarong miyembro ngayon ng national pool, 15 ang napagkasunduan ng board na ipahiram sa national team sa halip na 12 lamang.

Ang desisyon ay inilabas matapos ang isang espesyal na board meeting na idinaosa sa tanggapan ng PBA sa Libis, Quezon City nitong Miyerkules.

Bukod dito, napagkasunduan ding magbibigay daan ang liga sa panahon ng pagdaraos ng SEABA na inaasahang sasabay sa playoffs ng Comissioner’s Cup. (Marivic Awitan)