Naghain si Sen. Robin Padilla ng panukalang Anti-Troll Farm Act na naglalayong tugunan ang organisado at bayad na operasyon ng mga troll farm na ginagamit umano upang manipulahin ang opinyong publiko at magpalaganap ng maling impormasyon sa internet.
Sa isang pahayag na inilabas ng tanggapan ng senador nitong Miyerkules, Hunyo 3, sinabi ni Padilla na lumalaki ang banta ng organisadong disinformation at manipulasyon sa online platforms habang mas maraming Pilipino ang umaasa sa internet at social media para sa balita, impormasyon, at pampublikong talakayan.
Ayon sa pahayag, ang paggamit ng mga troll farm at coordinated online networks ay iniuugnay sa pagkalat ng maling impormasyon, pagkasira ng reputasyon ng mga indibidwal, pagkalito sa publiko, at pag-apekto sa demokratikong diskurso.
Layunin ng panukala na tugunan ang organisado at bayad na operasyon ng mga troll farm na ginagamit upang manipulahin ang opinyong publiko, magpakalat ng maling impormasyon, at lumikha ng artipisyal na impluwensiya sa mga usaping pampubliko.
Sa ilalim ng panukala, magkakaroon umano ng malinaw na mekanismo upang matukoy, maimbestigahan, at mapanagot ang mga indibidwal at grupong nagpapatakbo ng mga troll farm, habang pinangangalagaan ang karapatan ng mga mamamayan sa malayang pagpapahayag ng opinyon at lehitimong pampublikong diskurso.
“Hindi kalaban ng batas na ito ang malayang pananalita. Ang kalaban natin ay ang organisado at bayad na panlilinlang na sumisira sa tiwala ng publiko at nagpapahina sa ating mga demokratikong institusyon,” ani Padilla.
Dagdag pa ng senador, ang teknolohiya ay dapat magsilbing instrumento ng katotohanan, pananagutan, at pagkakaisa, at hindi ng panlilinlang at manipulasyon.
Ang panukalang Anti-Troll Farm Act ay bahagi ng adbokasiya ni Padilla para sa mas ligtas, mas responsable, at mas makatarungang digital space para sa mga Pilipino.