Mariing humingi ng paumanhin sa publiko si Sen. Raffy Tulfo dahil sa tila nagaganap daw na telenobelang bangayan at kaguluhan sa Senado nitong mga nagdaang araw at linggo.
Dalawang araw na kasi mula noong Lunes, Hunyo 1, at Martes, Hunyo 2, 2026, na hindi dumadalo sa sesyon ng Senado ang mga miyembro ng majority bloc.
Matatandaang kusang sumuko sa mga awtoridad si Estrada noon ding Lunes dahil sa kinakasangkutan niyang non-bailable case kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
Dahil dito, literal na naunsiyami ang nakatakda sanang mga plenaryo ang pagpapasa ng mga ilang mga batas ng mga senador sa mataas na kapulungan sa Senado.
KAUGNAY NA BALITA: Sigaw ng Solid Bloc 11: 'Alan Peter Cayetano resign!'
Sa naging pahayag Tulfo sa panayam sa kaniya ng isang TV station nitong Miyerkules, Hunyo 3, sinabi niyang buong pagpapakumbaba raw siyang humihingi ng kapatawaran sa taumbayan dahil sa pagbabangayan ng mga senador sa Senado.
“Mga taumbayan, I’m very-very sorry,” pagsisimula niya, “Buong pakumbaba, ako po’y humihingi ng paumanhin sa inyo. Binoto ninyo kaming lahat para magtrabaho hindi para magbangayan.”
Giit ni Tulfo, wala raw kasalanan ang mga miyembro ng minority bloc dahil araw-araw naman daw silang pumapasok para sana gampanan ang kanilang trabaho.
Diin ni Tulfo, hindi raw nila magampanan ang kanilang mga tungkulin dahil sa pambo-boycott ng mga miyembro ng mayorya sa mataas na kapulungan ng Kongreso.
“Pero wala po kaming kasalanan sa minority. Nakita n’yo naman po, kami’y pumapasok araw-araw. Gusto naming gawin ang trabaho namin pero hindi namin nagagawa ‘yun dahil bino-boycott ng majority ang Senado,” pagtatapos niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na anomang reaksyon, tugon, o pahayag ang mga miyembro ng majority bloc kaugnay sa naging pagdidiin na ito ni Tulfo sa kanila.
KAUGNAY NA BALITA: SP Alan bet ipa-Tulfo magkapatid na Raffy, Erwin
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Raffy kay SP Alan: 'Kung matapang ka, pumunta ka rito bukas!'