200317_Crime Policewoman Dead_03_Ganzon copy

Pinagbabaril at pinatay ang isang babaeng pulis habang papasok sa kanyang trabaho sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si PO1 Jorsan Marie Alafriz, 25, nakatalaga sa Barbosa Police Community Precinct (PCP), sakop ng Manila Police District (MPD)-Station 3, at residente ng 1425 Lope de Vega Street, Sta. Cruz.

Sa ulat ni SPO4 Glenzor Vallejo ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), bandang 10:20 ng gabi ay sakay si Alafriz sa kanyang Mitsubishi Mirage G4 (NP-9583), at binabaybay ang Rizal Avenue, kanto ng Claro M. Recto Avenue, upang pumasok sa trabaho.

Trending

Netizens, 'laglag-panty' sa bodyguard ni VP Sara; sino siya?

Sa pagmamaneho ng biktima ay bigla na lang umanong sumulpot ang motorsiklong kinalululanan ng mga suspek at dali-daling bumunot ng baril ang back rider hanggang sa tuluyang pinagbabaril ang biktima.

Sa kabila ng mga tama ng bala sa katawan, sinubukan pang humarurot ni Alafriz ngunit ‘di pa man gaanong nakakalayo ay nawalan na siya ng kontrol sa manibela, at bumangga sa isang nakaparadang tricycle sa lugar.

Hindi pa nakuntento, muling nilapitan ng mga suspek ang biktima at makailang beses pang binaril bago tumakas.

Ayon kay Vallejo, bigong makilala ang mga suspek dahil ang isa ay nakasuot ng helmet habang ang isa naman ay naka-face mask.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (MARY ANN SANTIAGO)