NANATILING malinis ang rekord ni Filipino-Canadian Marc Pagcaliwangan matapos talunin sa ikatlong round i Emmanuel Villamar ng Mexico sa super bantamweight bout nitong Marso 18 sa Powerade Centre, Brampton, Ontario, Canada.
Pinakiramdaman muna ng 26-anyos na kilala bilang “Gwapo” ang estilo ni Villamar sa unang dalawang round ng sagupaan bago kinuha ang timing para mapaluhod ang karibal.
Napagtatamaan ni Pagcaliwangan sa 3rd round si Villamar bago nasikwat ng matinding kanan ang 23-anyos na Mexican na bumagsak at nagpilit pang tumayo pero itinigil na ni Canadian referee Rocky Zolnierczyk ang laban eksaktong 2:49 sa ikatlong yugto ng sagupaan.
Napaganda ni Pagcaliwangan ang kanyang rekord sa 10-0-1 na may walong panalo sa knockouts samantalang bumagsak ang kartada ni Villamar sa 8-2-0. (Gilbert Espeña)