Umapela ng buong suporta si Sen. Rodante Marcoleta sa publiko para sa ikakasang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa Hunyo 4.
Sa Facebook Live ni Senate President Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules, Hunyo 3, hinikayat niya ang publiko na huwag kukurap.
“Ang gusto lang namin ay ang inyong total support. Huwag po kayong kukurap. Baka ito na po ang pinakahuling pagkakataon na ang katotohanan [at] ang katwiran ay mananaig,” saad ni Marcoleta.
Dagdag pa niya, “Ang gagawin namin bukas will define the direction of this country kung saan tayo papunta.”
Matatandaang itinalaga na si Sen. Pia Cayetano bilang chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee habang sina Sen. Marcoleta at Sen. Jinggoy Estrada naman ang tatayong vice chairperson.
Kapuwa may kinakaharap na kaso ang dalawang senador. Sa kasalukuyan, nakapiit na si Sen. Estrada sa New Quezon City Jail sa Payatas, Quezon City para sa kasong pandarambong dahil sa pagkakasangkot nito sa maanomalyang flood control projects.
Samantala, si Sen. Marcoleta naman ay pinakakasuhan ng Office of the Ombudsman (OMB) dahil sa pandarambong at panunuhol kaugnay sa pagtanggap umano niya ng donasyong nagkakahalaga ng ₱75 milyon noong kampanya.
Kaugnay na Balita: Majority bloc ng senado, nagprotesta vs. 'puppet Senate'