STO. TOMAS, Batangas - Pitong katao ang iniulat na namatay, kabilang ang driver ng kotse na sumalpok sa isang 10-wheeler truck sa Sto. Tomas, Batangas, nitong Sabado ng gabi.

Ayon sa report ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), dakong 9:45 ng gabi at binabagtas ng Toyota Vios (TBV-625) ang Pres. Jose P. Laurel Highway sa Barangay San Roque nang sumalpok ito sa kasalubong na Mitsubishi Fuso ten-wheeler truck (ACO-7694).

Mula sa Tanauan City, patungo sa Sto. Tomas proper ang kotse nang okupahin nito ang kabilang lane kaya sumalpok sa truck, na galing naman sa Calamba City, Laguna.

Dead on the spot ang driver ng kotse na si Romeo Abarientos, 36; at anak niyang si Jerome Abarientos, 10 anyos.

Probinsya

Suspek sa pinatay na 7-anyos na batang babae, nakainom bago upakan ang biktima!

Namatay din ang iba pang pasahero ng kotse na sina Cesar Almario, 16; Paul Aldrin Geroy, 16; Gerald Dellomos, 22; Deniel Abarete, 16, pawang taga-Barangay San Miguel, Sto. Tomas; at isang hindi pa nakikilala.

Kritikal naman kahapon sa St. Cabrini Hospital si Aljay Torres, 17 anyos, na sakay din sa naturang kotse.

Nasa kustodiya naman ng pulisya ang driver ng truck na si Rodolfo Mandac Jr., 32, habang iniimbestigahan pa ng pulisya ang aksidente. (LYKA MANALO)