Patay ang isang magsasaka matapos siyang tuklawin ng isang hinihinalang king cobra sa Bukidnon.
Ayon sa imbestigasyon, umalis umano ang magsasaka upang tingnan ang kaniyang kawayan na fish trap sa isang kalapit na sapa ngunit hindi na nakauwi, dahilan upang mag-alala ang kaniyang pamilya.
Natagpuan ang kaniyang bangkay na may mga pasa sa braso at iba pang bahagi ng katawan. Ayon sa pulisya, posibleng nakipagbuno pa ang biktima bago tuluyang namatay.
Batay sa death certificate, ang sanhi ng pagkamatay ay “envenomation” o pagpasok ng lason sa katawan dulot ng kagat o turok mula sa mga hayop gaya ng ahas, gagamba, alakdan, at ilang nilalang sa dagat.
Nakitaan din umano ng kagat ng ahas sa kaliwang paa ng biktima.
Pinaniniwalaan ng mga residente na ang sangkot na ahas ay tinatawag na “hamimilay,” isang lokal na tawag sa king cobra—isang uri ng ahas na may matinding kamandag at umano’y madalas makita sa mga kagubatan ng Kalabugao.
Ayon pa sa pulisya, may mga nauna nang ulat mula sa mga residente hinggil sa kahalintulad na insidente, kabilang ang umano’y pagtuklaw sa isang kabayo at isa pang indibidwal.
Gayunman, hindi ito naitala nang opisyal dahil hindi residente ng lugar ang mga nasabing biktima.