Patay ang isang lalaki na umano’y miyembro ng gun-for-hire syndicate na kabilang din sa drugs watchlist makaraang makaengkuwentro ang mga pulis sa Tondo, Maynila kamakalawa.

Kinilala ang nasawi na si Arvin Aquino, tinatayang nasa edad 30 hanggang 35.

Gumagamit din si Aquino ng mga alyas na “Sundalo” at “Arbelboy”, ayon sa pulis.

Bago ito, isang concerned citizen ang nagparating sa Jose Abad Santos Police Station na namataang pakalat-kalat si Aquino sa Old Antipolo Street sa Barangay 228, Tondo.

National

Paalala ng PWS para sa flu season: 'Do not kiss babies that aren't yours!'

Dakong 11:50 ng gabi nakarating sa lugar ang awtoridad at kanilang nasilayan si Aquino na agad nagpaputok ng baril at kumaripas sa Delos Reyes Street na nagresulta sa panandaliang habulan.

Pumasok si Aquino sa bahay ng isang Miguel Ideo at patuloy na pinaulanan ng bala ang mga operatiba. Naiulat na nasugatan ang isang pulis sa engkuwentro.

Makalipas ang ilang minuto, isa sa mga operatiba ang nakabaril kay Aquino sa dibdib na naging sanhi ng agaran niyang pagkamatay.

Ayon kay Police Supt. Alex Daniel, hepe ng MPD-Station 7, isa si Aquino sa mga responsable sa pagpatay sa Sigue-Sigue gang member na si Hasan Husen noong Agosto 9, 2016; gayundin kina Carmelita Flores, noong Agosto 30, 2016; at Annabel Bautista, noong Oktubre 5, 2016. (Analou De Vera at Mary Ann Santiago)