Dalawang drug personalities na naiulat na dinukot ang natagpuang patay sa Navotas City, nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang mga biktima na sina Jose Sajora, 43, ng Dagatdagatan, Caloocan; at Axel John Rodriguez, 20, ng Barangay North Bay Boulevard South, Navotas.
Ayon sa awtoridad, bandang 6:00 ng gabi natagpuan ni Barangay Chairman Doming Elape ang bangkay ni Rodriguez habang siya ay nagpapatrulya sa Babanse Street sa Barangay North Bay Boulevard South. Base sa ulat, si Rodriguez ay nagtamo ng mga bala sa ulo.
Ayon sa kapatid ni Rodriguez, dinukot ng mga armadong lalaki, pawang nakasuot ng maskara, ang kanyang kapatid, ilang araw na ang nakalilipas.
Dakong 7:40 naman ng gabi nang matagpuan ang bangkay ni Sajora sa Chungkang St., Bgy. Tanza, Navotas. Siya ay kinilala sa pamamagitan ng identification card na nakuha sa kanyang bulsa. Mga tama rin ng bala sa ulo ang ikinamatay ni Sajora.
Ayon sa mga saksi, kinuha rin si Sajora ng mga armadong nakasuot ng maskara ilang araw bago siya matagpuang patay.
(Jel Santos)