Kasalukuyang inoobserbahan sa ospital ang isang binata na uminom ng liquid metal polish sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Ginagamot pa sa Metropolitan Memorial Medical Center si Leandro Leander, 32, ng Bagong Lipunan Condominium 2, Building D-4, Rawis, Tondo.
Sa ulat ni Police Supt. Robert Domingo, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 1, dakong 5:15 ng hapon nang madiskubre ng ina ng biktima, si Corazon, ang tangkang pagpapatiwakal ng biktima.
Nagkulong umano si Leandro sa kanyang kuwarto kaya naisipang alamin ng ginang kung bakit hindi na ito lumabas sa kuwarto hanggang sa natuklasang naglason.
Inamin ni Corazon na nagtalo sila ng biktima hinggil sa problema sa pamilya na posible umanong dinamdam ng kanyang anak kaya naisipang magpakamatay. (Mary Ann Santiago)