Sa ospital na nagkamalay ang isang lalaki matapos paghahampasin ng bote sa ulo ng tatlong katao na umano’y nainggit sa maganda nitong boses sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Ligtas na at patuloy na nagpapalakas si Charles Francisco, 37, stay-in maintenance worker sa Valenzuela City Town Center, Barangay Karuhatan ng nasabing lungsod, dahil sa malalim na sugat sa ulo at mga pasa sa katawan.
Arestado naman at nahaharap sa kasong attempted homicide ang isa sa tatlong suspek na si Christian Joshua Ilagan, 20, ng P. Lucas Street, Bgy. Balubaran.
Sa imbestigasyon nina PO3 Robin Santos at PO2 Regor Gemedia ng Station Investigation Branch (SIB), bandang 3:00 ng madaling araw umiinom at kumakanta sa loob ng “Ron’s videoke bar” si Francisco na kasama ang kaibigan niyang si Christian Balenzoga.
Pumasok at uminom din sa nasabing videoke bar ang grupo ni Ilagan saka nakinig sa pagkanta ng biktima.
“Parang nainis ‘yung mga suspect sa victim kasi nagmumura na ang mga ito,” ani Santos.
Umalis na lang umano sina Francisco at Balenzoga sa nasabing lugar upang makaiwas sa gulo, ngunit sinundan umano sila ng grupo ni Ilagan at hinampas ng bote ng beer ang biktima habang pinagtulungan naman siyang gulpihin ng dalawa pang suspek.
Tumakbo at humingi ng tulong si Balenzoga sa Police Community Precinct (PCP)-Station 4 na nagresulta sa pagkakaaresto kay Ilagan. (Orly L. Barcala)