Ambush o road rage?

Iniimbestigahan na ng awtoridad ang pagkamatay ng isang Chinese na pinagbabaril ng mga hindi kilalang armado habang lulan sa sports utility vehicle (SUV) sa Parañaque City, nitong Martes ng gabi.

Dead on the spot si Ben Chua, 42, ng Dasmariñas Street, Binondo, Maynila, dahil sa mga tama ng bala sa katawan na karamihan ay sa dibdib.

Ayon kay SPO1 Walter Dulawan, case investigator, bandang 9:08 ng gabi ay sakay si Chua sa kanyang silver na Toyota RAV-8 (XRK-301) at binaybay ang Pacific Avenue sa Barangay Don Galo nang gitgitin siya ng isang Toyota Innova at isang puting van.

National

Rep. Castro sa sinabi ni VP Sara na may tungkulin siya kay FPRRD: ‘Itigil na ang pagiging ipokrita!’

Ayon sa guwardiyang si Len-len Miralo, 34, nakita niya ang panggigitgit ng mga suspek sa sasakyan ni Chua hanggang sa makarating ang mga ito malapit sa Okada power supply, ilang metro ang layo mula sa kanyang pinagtatrabahuhan sa Pacific Avenue.

“Habang nagkakagitgitan sila, nakarinig ng sunud-sunod na putok yung witness tapos nawalan ng preno ‘yung biktima tsaka sumampa sa gutter,” pahayag ni Chief Inspector Allan Abaquita, head ng Parañaque police investigating unit, sa Balita.

Matapos ito ay humarurot papalayo ang mga suspek na dumaan sa Macapagal Avenue.

“Ambush ba o road rage? Sa ngayon nag-iimbestiga pa tayo eh. Wala rin kasing CCTV sa area at yung ladyguard lang yung nakakita,” sambit ni Abaquita. (Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea)