Nakahandang tumulong si Presidente Duterte sa infrastructure projects at iba pang mga problema ng mga mayor sa buong bansa anuman ang kanilang kinaaanibang partido pulitikal.

Sa talumpati sa pagtitipon ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) sa Manila Hotel, tiniyak ng Pangulo ang kanyang political color-blind approach sa paglilingkod sa publiko pagkatapos niyang muling umapela sa mga alkalde na personal na aksiyunan ang kampanya laban sa illegal drugs at kiminalidad.

“If you want ‘yung tulong, may problema ka, importante ‘yung bridge, ganoon, maybe you can talk to me and try to find out if I can help you,” sabi ng Pangulo sa mga mayor nitong Martes.

“I’m open. Wala akong pulitika. I do not have to please you or please your political enemy,” sabi niya.

Romualdez, kinondena tensyon sa Middle East; seguridad ng mga Pinoy, pinatututukan

Sinabi ni Duterte na alam niya na nag-aalangang lumapit sa kanya ang mga mayor na kabilang sa mga karibal na partido pero tiniyak niya na lampas na siya sa pamumulitika.

“Huwag kayong magdadalawang-isip… I’m beyond that kasi gusto kong — para hindi kayo mahiya mag-ano sa akin kasi may distansya, eh, alam ko man kasi sa yellow kayo,” sabi niya.

“So, punta ka sa akin, wala akong kulay except public service so I guarantee you that,” dagdag niya.

Muli siyang nanawagan sa mga mayor na burahin ang illegal drugs at criminality sa kani-kanilang nasasakupan.

“This is my important message to you: Huwag lang sana po na you will have a runway problem with law and order, because may supervisory powers kayo sa pulis and I will grant it to you,” aniya.

“Just give me this commitment: Droga, pati ‘yang criminality, you have to personally do it,” dagdag pa niya.

Tinalakay din ng Pangulo ang pakikipagtulungan ng mga mayor pagkatapos ipakita ang makapal na listahan ng mga opisyal ng pamahalaan na may kaugnayan sa illegal drugs. Kabilang sa narco-list ang municipal mayors, 6,000 na pulis at 40 porsiyento ng mga kapitan ng barangay, sabi niya.

Muling binantaan ni Duterte ang mga mayor na iniuugnay sa illegal drugs na tumigil kung ayaw nilang mamatay.

“Huwag na huwag kayong pumasok diyan. Talagang papatayin ko kayo. It’s either banggaan kita ng 10x10 na truck o putok,” aniya habang iminumuwestra ang pagpapaputok ng baril.

“Tulungan ninyo ako kasi Pilipino itong nakataya dito, eh. Huwag mo nang problemahin ‘yang mga smuggling, smuggling,” dagdag pa niya.

COA ‘DI DAPAT MAKIALAM

Samantala, sinabi rin ng Presidente na hindi dapat pakialaman ng Commission on Audit (COA) ang mga programa ng mga alkalde.

Iginiit ito ni Pangulong Duterte nang maalala ang pagkuwestiyon ng COA sa kanyang programang mass wedding para sa mahihirap na mag-asawa noong alkalde pa siya.

Ayon sa pangulo, pinigilan ng COA ang pagpondo sa naturang programa, na kanya namang kinuwestiyon dahil ginawa niya ito para tulungan ang mahihirap.

Ayon sa pangulo, dapat bigyan ng COA ng kalayaan ang mga alkalde sa pagdedesisyon tungkol sa mga programang kailangan nilang ipatupad sa kanilang mga nasasakupan.

“Hindi dapat ang komisyon ang dapat mamili sa kung anong programa ang ipatutupad, dahil ang mga alkalde ang nakakaalam sa kung ano ang kailangan sa kanilang lugar,” wika ni Duterte. (Genalyn Kabiling at Beth Camia)