UMAASA ang Iloilo Provincial Agriculture Office na aabot sa isang milyong metrikong tonelada ang magiging produksiyon ng bigas ngayong taon sa paglawak na rin ng pagtanggap ng mga magsasaka sa hybrid rice.

Inihayag ni Ildefonso Toledo, provincial agriculturist ng Iloilo, na mahalaga ang paggamit ng iba’t ibang klase ng hybrid rice para makamit ang target ng kanilang tanggapan. Ang pinakamaliit na ani ng hybrid rice ay maaaring umabot sa 10 metrikong tonelada hanggang 15 metrikong tonelada kada ektarya, mas mataas sa pito hanggang walong metrikong tonelada ng bigas kada ektarya kapag gumamit ng inbred rice variety.

Noong nakaraang taon, sinabi ni Toledo na nakapag-ani lamang ang Iloilo ng mahigit 800,000 metrikong tonelada ng bigas. Binigyang-diin niya na naitala ang pinakamataas na produksiyon ng bigas noong 2012 nang nakapag-ani ang probinsiya ng 944,000 metrikong toneladang bigas.

Sinimulan ang paggamit ng hybrid rice seeds sa Iloilo noong 2005 ngunit ibinahagi ni Toledo na tanging noong nakaraang taon lamang nagsimulang tanggapin at gamitin ang variety ng karamihan sa mga magsasaka.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Bagamat pinahirapan ng El Niño ang probinsiya noong nakaraang taon, nakatanggap si Toledo ng magandang ulat na nakapag-ani ang mga magsasaka na gumagamit ng mga hybrid rice variety ng hindi bababa sa pitong metrikong tonelada ng bigas kada ektarya.

“Many farmers have planted hybrid rice seeds because this is what we advocated to them last year. We hope to surpass our production last year so we will continue to have sufficient rice this year,” dagdag niya.

Sinabi ni Toledo na hinihikayat pa rin ang mga magsasaka na gumamit ng hybrid rice seeds para mas mapataas pa ang kanilang produksiyon ng bigas sa kabila ng hindi magandang panahon.

Samantala, naghahanda rin ang probinsiya sa malawakang pagtatanim ng kape at cocoa ngayong taon. Inihayag ni Toledo na isinasapinal na nila ang pagtukoy sa mga magsasaka na nagtatanim na ng cocoa at kape sa probinsiya at kinukumpirma ang datos ng mga lugar na pinakaangkop ito. (PNA)