Tila walang kinatatakutan ang mga miyembro ng ‘Ipit Gang’ matapos nitong biktimahin ang isang konsehal ng Palo, Leyte sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kaagad nagtungo sa tanggapan ng Theft and Robbery Section (TRS) ng Manila Police District (MPD) si Wilson Uy, 50, ng Barangay Pawing, Palo, Leyte habang arestado naman ang isa sa mga suspek na si Aser Jacob, 41, ng 2245-A San Andres Bukid, Malate, Maynila.

Base sa ulat ni PO2 Ryann Paculan, bandang 8:15 ng gabi nangyari ang insidente sa escalator sa loob ng Robinson’s Place sa Ermita.

Pababa umano ng escalator ang biktima kasama ang kanyang asawa at dalawang anak nang sila’y magulat sa paniniksik ng apat na suspek.

National

Pasasalamat ni PBBM kay FPRRD noon sa pagpapalibing sa amang si Marcos Sr., naungkat ulit!

Agad napansin ni Uy na nawawala ang kanyang itim na pouch na naglalaman ng mga credit card, identification card at brown envelope na may lamang P170,000 cash kaya sumigaw siya at humingi ng tulong.

Dito na nagpulasan ang mga suspek ngunit naaresto si Jacob ng duty security guard na si Christian Boy Del Pilar, 28.

Hindi na nabawi ang pera at mga gamit ng biktima. (Mary Ann Santiago)