Libu-libong halaga ng paninda ang nakuha ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki sa isang 24-hour convenience sa Sta. Cruz, Manila, kahapon ng madaling araw.
Personal na nagtungo sa himpilan ng Manila Police District (MPD)-Station 11 si Jhunel Leonor, 22, cashier ng MiniStop na matatagpuan sa Plaza Lacson sa Sta. Cruz, upang i-report ang insidente.
Ayon kay Leonor, dakong 2:05 ng madaling araw nangyari ang insidente sa loob ng convenience store na kanyang pinagtatrabahuhan.
Abala umano si Leonor sa kanyang trabaho nang biglang pumasok ang mga armadong suspek.
Nilapitan umano ng mga suspek si Leonor at tuluyang nagdeklara ng holdap.
Nang makuha ang P5,500 na kita ng convenience store at ilang produkto, mabilis na nagsitakas ang mga suspek na lulan sa dalawang Honda wave motorcycle. (Mary Ann Santiago)